Mariing kinondena ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mabilis na pag-archive ng Senado sa impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, sa kabila ng aktibong kaso sa Korte Suprema. Tinawag niya itong “paglilibing” ng isang proseso na hindi pa tapos, at isang banta sa pananagutan sa gobyerno.
“Ang pag-archive ay, sa esensya, paglilibing sa Articles of Impeachment,” ani Romualdez. “Ngunit hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema. Aktibo pa ang kaso. Bakit minadali?”
Noong Agosto 5, naghain ang Kamara ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema, na kinilalang seryoso ang mga argumento ng Kamara at inatasan ang mga respondent, kabilang ang Vice President, na magsumite ng komento.
“Maliwanag sa Konstitusyon: ang Kamara lamang ang may eksklusibong kapangyarihang magsimula ng impeachment. At ang kapangyarihang iyon ay pinal sa loob ng aming saklaw,” giit ni Romualdez.
Ayon sa Speaker, higit sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara ang lumagda sa verified complaint, kaya’t awtomatikong naipadala ang Articles of Impeachment sa Senado—walang kinakailangang referral sa komite o karagdagang aksyon sa plenaryo.
“Ginamit namin ang kapangyarihang iyon nang legal, bukas, at may mabuting layunin—hindi dahil sa galit, kundi dahil sa tungkulin. Hindi para umatake, kundi para humingi ng kasagutan—mga kasagutang hindi kailanman ibinigay ng Pangalawang Pangulo,” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang hakbang ng Kamara ay nakabatay sa mga beripikadong dokumento at hindi sa pulitikal na layunin.
“Hindi ito tungkol sa power play. Ito ay tungkol sa pananagutan—pananagutan na nakaugat sa katotohanan at sinumpaang dokumento,” aniya.
Gayunpaman, sinabi niyang sinalubong ang Kamara ng mga personal na batikos at malawakang akusasyon, na aniya’y nagpapahina sa tiwala ng publiko sa mga demokratikong mekanismo.
“Ang hindi minadali ay ang paghahain ng reklamo. Ang minadali—at kapansin-pansin—ay ang paglilibing nito,” ani Romualdez. “Tandaan ng kasaysayan ang sandaling ito. At kapag dumating ang panahon, sana’y masabi: Na nanindigan ang Kamara. Na ginampanan namin ang aming tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon. Na kumilos kami hindi para sa sarili, kundi para sa sambayanang Pilipino.”
Tinapos ni Romualdez ang kanyang pahayag sa isang matatag na paninindigan:
“Hindi kami lumalaban sa Senado. Lumalaban kami para sa Republika. Tuloy ang laban. Para sa Konstitusyon. Para sa rule of law. At para sa katotohanang walang opisyal ng gobyerno ang dapat mailayo sa pananagutan.” (ROSE NOVENARIO)