Fri. Aug 7th, 2026

📷: National Union of Peoples’ Lawyers | FB

 

Naghain ng Joint Motion for Reconsideration sa Korte Suprema ang mga kinatawan ng Makabayan party-list at mga lider masa, na humihiling na baligtarin ang desisyon noong Hulyo 25, 2025 na nagdeklara ng impeachment proceedings laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte bilang labag sa Konstitusyon.

Kasama sa naghain ng mosyon sina ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio at Kabataan Party-List Rep. Renee Co, pati na si Makabayan President Liza Maza, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Chairperson Teodoro Casiño, Bayan President Renato Reyes, Piston President Modesto Floranda, at Sandugo convenor Amirah Lidasan—na pawang bahagi ng ikalawang reklamo sa impeachment. Naghain din sila ng *motion to intervene* kasabay ng kanilang *Joint Motion for Reconsideration*. Kasama nilang nag-intervene sina dating ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-List Rep. Raoul Danniel Manuel, na pawang nag-endoso sa ikalawang reklamo.

Kinakatawan ang grupo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).

Ayon kay NUPL Secretary General Atty. Josalee S. Deinla, “Nilayon ng mga bumalangkas ng 1987 Konstitusyon na gawing bukas sa mamamayan ang impeachment bilang kasangkapan ng pananagutan, hindi bilang isang legal na lunas na pinapahirapan ng teknikalidad. Pinapaliit ng desisyon ng Korte Suprema ang mismong landas na sinadyang panatilihing bukas ng Konstitusyon.”

Dagdag pa niya, “Ayon sa Konstitusyon: kung isa sa bawat tatlong miyembro ng Kamara ay lumagda sa isang verified impeachment complaint, ito ay itinuturing nang Articles of Impeachment at dapat agad na isagawa ang paglilitis sa Senado. Sa paggalang, ang karagdagang rekisito ng Korte Suprema ay walang batayan sa teksto ng Konstitusyon at sumisira sa prinsipyo ng separation of powers.”

Babala ng mga intervenor, “Kung mananatili ang desisyon, maaaring mawalan ng silbi ang impeachment bilang kapangyarihang magbantay sa pamahalaan. Hiniling nila sa Korte Suprema na ipatupad ang Konstitusyon ayon sa pagkakasulat nito, nang hindi binabago ang kahulugan nito. Sa isang demokrasya, dapat manatiling bukas ang landas tungo sa pananagutan.”

Mga pangunahing argumento sa Joint Motion:

  1. Walang matinding pag-abuso sa kapangyarihan ang Kamara.

Ang Kamara ay pinaniniwalaang kumilos nang regular at may mabuting layunin—isang presumption na hindi napatunayan ng mga petitioner na mali. Naipaloob sa Order of Business ang unang tatlong reklamo sa loob ng itinakdang sampung araw ng sesyon, at inilipat sa Archives matapos ipadala sa Senado ang ikaapat na reklamo na may sapat na bilang ng pirma. Kumilos ang Kamara ayon sa tamang proseso.

  1. Hindi lumabag sa one-year ban ang Articles of Impeachment.

Ayon sa Francisco v. House of Representatives, ang one-year ban ay epektibo lamang kapag naipasa na sa Committee on Justice ang reklamo—na hindi nangyari sa unang tatlong reklamo. Ang bagong patakaran ng Korte na ituring ang kawalan ng aksyon bilang “initiation” ay walang batayan sa Konstitusyon at nagdudulot ng panganib na gawing karera ang impeachment.

  1. Walang hierarchy sa dalawang paraan ng impeachment; nasa Kamara ang kapangyarihang pumili.

Ang Kamara lamang ang may kapangyarihang magsimula ng impeachment, sa pamamagitan man ng reklamo ng mamamayan o ng isang verified complaint mula sa isang-katlong miyembro. Ang desisyon ng Korte na ituring na “dismissed” ang reklamo kahit hindi pa naipapasa sa komite ay salungat sa mga naunang desisyon ng Korte.

  1. Hindi saklaw ng due process ang yugto ng pagsisimula ng impeachment sa ilalim ng Section 3(4), Article XI.

Kapag may verified complaint mula sa isang-katlong miyembro ng Kamara, ito ay awtomatikong nagiging Articles of Impeachment at dapat agad na isagawa ang paglilitis sa Senado. Ang mga karagdagang rekisito tulad ng pagbibigay ng draft sa respondent ay walang batayan sa Konstitusyon. Ang due process ay naaangkop lamang kapag may panganib sa buhay, kalayaan, o ari-arian—hindi sa pampublikong posisyon.

Hiniling Joint Motion for Reconsideration na ibasura ng Korte Suprema ang mga pinagsamang petisyon at kilalanin ang bisa ng pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado upang agad na maisagawa ang paglilitis. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *