Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Alliance of Health Workers (AHW) at mahigit 60 organisasyong medikal kaugnay ng biglaang pagtanggal kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, isang batikang doktor at eksperto sa pampublikong kalusugan, at ang pagtatalaga kay Atty. Randy Escolango, isang abogado na walang pormal na karanasan sa medisina o pampublikong kalusugan,bilang kapalit.
Si Vergeire, kilala sa kanyang siyentipikong pamumuno noong pandemya ng COVID-19, ay may ranggong Career Executive Service Officer (CESO) II, na nagbibigay ng seguridad sa kanyang posisyon.
Ang agarang pagtanggal sa kanya, base sa liham mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin noong Hulyo 14, ay nagdulot ng galit sa sektor ng kalusugan, na ngayon ay humihingi ng paliwanag sa legalidad at proseso ng desisyon.
Ayon sa mga health advocate, ang pagtanggal kay Vergeire, kasama sina Undersecretaries Achilles Bravo at Dr. Kenneth Ronquillo—ay nagpapahina sa tiwala ng publiko at sa institusyon. Bagamat umabot na sa retirement age sina Bravo at Ronquillo, si Vergeire ay 56 pa lamang at may halos isang dekada pang maaaring magsilbi.
“Hindi lang siya naging mukha ng pandemic response, kundi huwaran din ng integridad at mabuting pamamahala,” ayon sa Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC). “Ang pagtanggal sa kanya nang walang due process ay hindi makatarungan at nakakadismaya.”
Hanggang ngayon, wala pang malinaw na paliwanag mula sa Malacañang. Ayon sa DOH, “natapos na ang termino” ni Vergeire, ngunit tumanggi ang mga opisyal na magbigay ng detalye, sinabing “personal” ang desisyon.
Si Escolango, ang bagong undersecretary, ay dating nagsilbi sa Department of Human Settlements and Urban Development at Department of Labor and Employment. Ngunit para sa mga health professional, ang pamumuno sa DOH ay dapat nakabatay sa karanasang medikal.
Nanawagan ang AHW at mga kaalyadong grupo sa Civil Service Commission, DOH, at Malacañang na maglabas ng malinaw na paliwanag.
Hinikayat din nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na igalang ang merit system at integridad ng civil service, lalo na sa gitna ng mga krisis sa kalusugan.
“Kapag ang DOH ay pinamumunuan ng mga hindi eksperto sa kalusugan, ang talo ay ang mamamayang Pilipino,” ayon sa AHW.
“Ang ating mga lider sa kalusugan ay dapat maka-tao, maka-health worker, may integridad, at may tunay na malasakit sa pampublikong kalusugan.” (ROSE NOVENARIO)