Tila maraming iniwan na “sakit ng ulo” ang nakalipas na administrasyon ng Presidential Communications Office (PCO) sa isa sa mga attached agency ng kagawaran na People’s Television Network Inc. o mas kilala bilang PTV-4.
Bago pala pormal na naluklok bilang bagong general manager ng PTV-4 si Malou Choa- Fagar noong Miyerkoles, Agosto 6, ay mga naharang na mga “huling hirit’ at umano’y “midnight appointees.”
Batay sa dokumentong nakalap ng Balitang Klik, may bagong puwesto sana umano si Imleda G. Dizon bilang Regional Content Head habang inirekomenda ni Maria Irene Borja na bigyan ng umento sa sahod ang isang senior reporter, isang associate producer at dalawang program directors.
Isa umano sa nais ni Borja na mabigyan ng wage hike ay pamangkin niya na tatlong buwan nang “work-from-home.”
Isa rin umanong bagong pasok na kapatid ng isang provincial anchor ay ipinuwesto ng isang “colorum” na opisyal ng PCO.
Nabatid na hindi natuloy ang mga nasabing “huling hirit’ dahil hindi pinayagan ng Human Resources Department sa katuwirang “midnight appointments iyan kaya dapat ay hintayin ang desisyon ng bagong general manager ng ahensya.”
Ayon sa source, ang mga benepisyaryo sana ng ‘huling hirit’ ay kilalang malapit sa isang nasibak na opisyal ng PCO.
“Pero there’s more,” anang source.
“May ikinasa umanong sulat si Borja na may support daw ng union ang mga kursunada niyang ma-promote at ipinadala sa opisina ni GM Malou. May kasama pang rekomendasyon ng mga tao na hindi dapat ma-renew ang kontrata,” dagdag niya.
“Kailan naman siya nagkaroon ng kapangyarihan magdikta kung sino ang mananatili at mawawala sa PTV-4? ” tanong ng source
Magkakaroon lamang ng katahimikan at maayos na operasyon sa mga ahensya ng pamahalaan, lalo na sa PTV-4, kapag natigil ang paninira at pagpapakalat ng mga sumbong na kargado ng kasinungalingan kapag may bagong administrasyon.
Magtrabaho na lang sana ng tama at tumbasan ng katapatan sa serbisyo ang tinatanggap na sahod mula sa pinaghirapang buwis ng mga mamamayan. (ROSE NOVENARIO)