Fri. Aug 7th, 2026

Mariing kinondena ng Altermidya Network ang biglaang pag-disable ng Instagram account ng kanilang kasaping publikasyon na Bulatlat.com noong Agosto 8, 2025. Ayon sa grupo, ang hakbang ng Meta ay isang anyo ng tahasang censorship na isinagawa nang walang paliwanag, proseso, o anumang transparency.

Sa isang abiso mula sa Meta, ipinaalam sa Bulatlat na hindi na maaaring makita ang kanilang account, permanenteng buburahin ang lahat ng impormasyon, at hindi na rin papayagan ang anumang review sa desisyon.

“Hindi ito simpleng teknikal na isyu—ito ay pagkitil sa karapatan ng mamamayan na makakuha ng kritikal at makabuluhang impormasyon,” pahayag ng Altermidya.

Nagpadala na ng liham ang Bulatlat sa Meta Philippines upang hilingin ang agarang pagbabalik ng kanilang Instagram account. Sa kasalukuyan, wala pa ring tugon mula sa kumpanya.

Binatikos ng Altermidya ang tila doble-standard ng Meta: pinapayagan ang paglaganap ng trolls, disimpormasyon, at mapanirang nilalaman, ngunit sinasansala ang lehitimong organisasyong pangmidya na nag-uulat tungkol sa karapatang pantao at pakikibaka ng mga komunidad.

“Hindi lamang ito paglabag sa karapatan ng Bulatlat na maglathala—ito ay atake sa kalayaan sa pamamahayag at sa karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan,” giit ng Altermidya.

Nanawagan ang grupo sa Meta na agarang ibalik ang account ng Bulatlat at kilalanin ang mahalagang papel ng independyenteng midya sa isang demokratikong lipunan.

Hinikayat din nila ang mga kapwa mamamahayag, tagapagtanggol ng press freedom, at publiko na manindigan laban sa censorship at ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa impormasyon. (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *