Binatikos ng grupong mangingisda na PAMALAKAYA ang San Miguel Corporation (SMC) at ang CEO nitong si Ramon Ang, sa umano’y pagpapalala ng krisis sa pagbaha sa Navotas at iba pang bahagi ng Metro Manila dahil sa malawakang mga proyektong reklamasyon.
“Nakakatawa sana kung hindi labis na nakakagalit ang mga patutsada ni Ramon Ang, CEO ng San Miguel Corporation, na tutulong daw ito sa pagresolba ng lumalalang baha sa Metro Manila ‘nang walang gastos sa taumbayan at walang gastos sa pamahalaan,’ na tila ba dapat pa tayong magpasalamat sa kanya,” ayon sa pahayag ng PAMALAKAYA.
Giit ng grupo, si Ang at ang kanyang kumpanya ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit lumalala ang pagbaha sa kalakhang Maynila.
Tinukoy ng PAMALAKAYA ang 2,500 ektaryang proyekto ng New Manila International Airport (NMIA) sa Bulacan, na nagpalayas sa mahigit 700 pamilya at sumira sa 600 bakawan, pati na rin ang 650 ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project. Ang huli ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Navotas bilang suporta sa operasyon ng NMIA, ngunit iniulat na winasak nito ang kabuhayan ng libu-libong magtatahong sa lungsod.
Ayon sa mga residente sa paligid ng mga proyekto, mas mabilis, mas malalim, at mas matagal na ang paghupa ng baha mula nang magsimula ang reklamasyon. Dagdag pa ng PAMALAKAYA, ito rin ang dahilan kung bakit mas mabilis ang paglubog ng ilang bahagi ng Metro Manila.
Maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa isinagawang cumulative impact assessment, ay napilitang umamin na ang mga proyektong ito ay lubos na nagpapalala ng pagbaha at may matinding epekto sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mamamayan.
“Kaya naman ang mga hambog na pahayag ni Ramon Ang ay katumbas ng pamimigay ng payong sa gitna ng delubyo na siya mismo, mga kapwa niyang malalaking negosyante, kasabwat ang mga dayuhang mamumuhunan at burukratang kapitalista, ang lumikha,” dagdag ng PAMALAKAYA.
Nanawagan ang grupo ng pananagutan at kumpensasyon para sa mga mangingisda at residenteng naapektuhan, at iginiit ang agarang pagpapatigil ng lahat ng proyektong reklamasyon sa paligid ng Manila Bay.
“Sa katunayan, kulang na kulang ang pagtulong sa pagresolba ng baha sa dapat gawin ng mga katulad niya. Dapat din siyang singilin ng kumpensasyon at managot para sa pinsalang idinulot ng kanilang mga proyekto sa mga mangingisda at mamamayan ng Manila Bay.”
“Dapat na ring kagyat na ipatigil ang lahat ng proyektong reklamasyon, dahil malinaw na wala itong mabuting maidudulot kundi pagkawasak ng kalikasan at kabuhayan sa mga baybaying-dagat,” pagtatapos ng grupo. (ROSE NOVENARIO)