Tue. May 26th, 2026

May ipinadalang open letter sa inyong lingkod ang ilang kawani ng state-run People’s Television Network Inc. o mas kilala bilang PTV-4 na nagsiwalat ng anila’y palakasan system sa nasabing ahensya at humihiling sa kinauukulan na imbestigahan ito.

 

Magandang araw po.

Kami po, ang mga cameraman ng People’s Television Network (PTV), ay magalang na sumusulat upang ipahayag ang aming pag-aalala kaugnay ng isang deployment kamakailan ng isa naming kasamahan.

Bilang mga manggagawang nasa likod ng kamera, ipinagmamalaki po namin ang aming mahalagang papel sa paghahatid ng tama at napapanahong balita—maging ito man ay ukol sa mga aktibidad ng Pangulo, El Niño, bagyo, o iba pang pambansang isyu. Sa mga nagdaang taon, walang pag-aalinlangang ipinamalas namin ang aming katapatan, propesyonalismo, at dedikasyon sa serbisyo publiko at sa network.

Kaugnay nito, nais po naming ipabatid ang aming pangamba nang malaman namin ang isang cameraman na matagal na nawalan ng aktibong serbisyo—at sinasabing naka-leave mula pa noong Enero at nitong Hulyo lamang muling nagbalik—ay agad na naitalaga para sa pagko-cover ng opisyal na pagbisita ng Pangulo sa Estados Unidos.

Magalang po naming inilalatag ang mga sumusunod na punto para sa inyong konsiderasyon:

  • Ang nasabing indibidwal ay matagal na wala sa trabaho, na batay sa patakaran ng kumpanya ay maaring ituring na AWOL at dapat patawan ng kaukulang administrative sanctions.
  • Kung ito man po ay filed leave, hindi po malinaw sa amin kung bakit hindi siya agad nakabalik sa trabaho sa pagtatapos ng kanyang leave.
  • Sa panahon ng kanyang pagkawala, may mga lumabas pong litrato sa social media na tila nagpapakita ng koneksyon niya sa ibang kumpanya, na lalong nagdulot ng agam-agam tungkol sa kanyang estado bilang empleyado ng PTV.
  • Hindi rin po siya ang itinalagang cameraman para sa mga Malacañang coverages.
  • Sa aming kaalaman, wala po siyang aktibong kontrata sa panahon ng deployment, subalit siya ay naiproseso at naitalaga nang hindi dumaan sa karaniwang protocol.
  • Naipadala po siya sa kabila ng mga isyu ng AWOL at hindi pagsailalim sa tamang proseso ng reinstatement o employment validation, na nagbypass sa standard na proseso ng kumpanya.

Kung ang naging batayan po ng pagpili ay lohistika o pagtitipid:

  • Napatunayan na po ng MARO na kayang iproseso ang visa ng ibang empleyado sa loob lamang ng tatlong araw.
  • Bukod dito, may mga pagkakataon na ang mga COS at regular na empleyado ay boluntaryong nag-abono ng kanilang visa expenses, kabilang na po ang mga miyembro ng Malacañang team sa ilang biyahe.

Nais po naming idiin na ang liham na ito ay isinulat nang buong paggalang at wala pong layuning kwestyunin ang kapangyarihan ng pamunuan. Gayunpaman, naniniwala po kami na ang mga desisyong tulad nito ay dapat nakabatay sa katarungan, integridad, at pagsunod sa patakaran ng kumpanya.

Ang pangyayaring ito ay nagbubukas ng pangamba na tila ang pagpili para sa mahahalagang assignments ay hindi batay sa track record kundi sa sistemang “palakasan.” Ito po ay nakaaapekto sa morale ng mga tapat at nagsisipag na empleyado at maaaring magdulot ng maling mensahe sa buong organisasyon.

Magalang po naming hinihiling na magkaroon ng kaukulang aksyon at malinaw na accountability sa naging desisyon—kung paano ito nabuo at sino ang nag-apruba nito. Buo po ang aming tiwala na seseryosohin ito ng pamunuan ng PTV at magsasagawa ng hakbang upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.

Kami po ay nananatiling tapat sa PTV at sa layunin nitong magsilbi sa bayan. Sa ngalan ng pagpapahalaga sa institusyong ito, isinulat po namin ang liham na ito—nang may hangaring manaig ang katarungan at mapanatili ang tiwala sa loob ng ating sistema.

Maraming salamat po sa inyong oras at pang-unawa.

Umaasa tayong mabibigyan ng karampatang atensyon ng pamunuan ng PTV-4 sa pangunguna ng bagong talagang General manager Malou Choa-Fagar, gayundin ni Presidential Communications Office acting Secretary Dave Gomez, ang hinaing ng mga cameramen at iba pang alingasngas na nagaganap sa ahensya.

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *