Sa panahon ng digmaan, malinaw kung sino ang kaaway, may uniporme, may armas, at lantad sa mata. Pero sa laban para sa mabuting pamamahala, ang kaaway, maliban sa ang suweldo’y mula sa kaban ng bayan, marami sa kanila’y nakabarong, pumipirma ng kontrata, at nakangiti sa harap ng kamera.
Ang korupsiyon ay hindi simpleng pagkukulang sa moralidad—ito ay isang panloob na kaaway na sumisira sa ating mga institusyon, sumisipsip ng pondo ng bayan, at pinapalala ang pagkabulok ng demokrasya.
Ang pagsala sa kaaway ay ang pagtukoy sa kanya. Ang pagsuri sa kanyang koneksyon. Ang pagputol sa kanyang akses sa aktibidad ng mga namamahala at lalo na sa pondo ng bayan. Hindi ito talinghaga, ito ay estratehiya.
Sa buong Pilipinas, bilyon-bilyong piso ang nawawala sa ghost projects, , pinalobong badyet, at political patronage. Hindi ito “isolated incidents.” Ito ay mga sintomas ng sistemang nagbibigay gantimpala sa pananahimik at nagpaparusa sa nagbubusisi.
Kapag nailihis ang pondo ng bayan patungo sa bulsa nang nagsabwatan sa pandambong sa kaban ng bayan, nananatiling kapos ang mga silid-aralan, kulang ang public health services, hindi nakabubuhay na suweldo sa mga manggagawa, mataas na presyo ng bilihin, inhustisya sa mga walang laban, at panggigipit sa mga lumalaban para sa karapatan ng mga mamamayan.
Sa kabuuan, napag-iiwanan ang mga komunidad dahil bawat pisong ninanakaw ay parang bala laban sa kapakanan ng mamamayan.
Dapat nating gamitin ang wika ng depensa, hindi upang gawing militar ang pamahalaan, kundi upang ipakita kung gaano kaseryoso ang laban.
Ang transparency ang ating radar. Ang mga whistleblower ang ating tagapagbantay. Ang mga mamamahayag, mga watchdog, at mga aktibong mamamayan ang nasa unahan ng laban. At bawat audit, exposé, at protesta ay isang pag-atake sa kaaway sa loob.
Pero ang pagsala sa kaaway ay higit pa sa galit. Kailangan nito ng repormang institusyonal. Pagsasabatas sa Freedom of Information at hindi lamang sa pagsusumbong sa pangulo sa isang website.
Kailangan ang ganap na proteksyon para sa mga whistleblower. Mga independiyenteng ahensiyang anti-korupsiyon na may kapangyarihan,hindi lang titulo. Kailangan nito ng political will, at presyur mula sa taumbayan upang magpatuloy ang pagpupurga.
Panahon nang itigil ang pagtrato sa korupsiyon bilang abala. Harapin natin ito bilang banta. Dahil ang kaaway ay hindi nasa labas, nasa loob na. At habang tumatagal ang ating pagbabalewala at pananahimik, lalong lumalalim ang kanyang ugat.