Pinatawan ng National Police Commission (Napolcom) ng 90-araw na preventive suspension si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Brigadier General Romeo Macapaz, dahil sa seryosong reklamong administratibo kaugnay ng hindi pa nareresolbang kaso ng mga ‘missing sabungeros.’
Inanunsyo ni Napolcom Executive Director at Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan ang resolusyon sa isang press briefing nitong Huwebes.
Ayon sa kanya, iniimbestigahan si Macapaz dahil sa umano’y pagharang sa hustisya at pakikialam sa mahahalagang ebidensya.
Ang reklamo ay isinampa ni Elakim Patindongan, kapatid ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan. Inakusahan niya si Macapaz ng ilegal na pagkumpiska ng mga cellphone na pag-aari niya at ng isa pang kapatid na si Jose, na naglalaman umano ng ebidensya kaugnay sa pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon sa resolusyon ng Napolcom:
“Respondent (Macapaz) altered messages contained in the cellphones by deleting some of the messages. He even allegedly concealed the SD cards of the cellphones despite knowing that these are material evidence in the missing sabungeros case.”
Binigyang-diin ng Napolcom na ang suspensyon ay hindi deklarasyon ng pagkakasala, kundi isang hakbang upang maprotektahan ang integridad ng imbestigasyon at maiwasan ang anumang impluwensiya.
Ang reklamong ito ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa ilang opisyal ng pulisya na umano’y sangkot sa pagkawala at posibleng pagpatay sa mga sabungero.
Si Macapaz ay miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Patnubay” Class of 1995.
Noong Hulyo 31, 2025, inalis siya bilang CIDG Director at inilipat sa Police Regional Office 12 (PRO12), kasunod ng mga batikos mula kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil sa imbestigasyon ng CIDG sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Nabanggit din ang pangalan ni Macapaz sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kaso ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo noong nakaraang taon.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Mary Ann Maslog, isang “textbook scam” suspect, na si Macapaz, noon ay officer-in-charge ng PNP Intelligence Group, ang umano’y humiling sa kanya na tulungan kumbinsihin si Guo na sumuko.
Ayon kay Maslog, pinili siya dahil sa umano’y koneksyon niya kay Sual, Pangasinan Mayor Liseldo “Dong” Calugay, na sinasabi niyang may personal na ugnayan kay Guo.
Ngunit pinabulaanan ni Macapaz ang pahayag at iginiit na si Maslog mismo ang nagboluntaryong tumulong sa PNP-IG. (ROSE NOVENARIO)