Sat. Mar 14th, 2026

📷: Kalikasan | FB

 

Naninindigan ang Makabayan Bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa taumbayan sa kanilang makatwirang galit laban sa talamak na korapsyon sa bansa.

Anila, ang mga kilos-protesta kamakailan, kabilang ang sa Discaya compound sa Pasig, ay lehitimong pagpapahayag ng damdamin ng mamamayan laban sa patuloy na pagnanakaw sa yaman ng bayan.

“Paano masasabi ni Pangulong Marcos Jr. na manatiling kalmado ang taumbayan habang naghihirap ang bansa? Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, lumalala ang kahirapan, at napupunta sa bulsa ng mga tiwali ang pera ng bayan?” pahayag ni ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio.

Binibigyang-diin ng Makabayan Bloc ang lehitimong pagkadismaya ng mamamayan.

Ang pondong dapat sana’y para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at trabaho ay nauuwi sa mga pekeng proyekto, pinopondohan ng pork barrel, at ginagastos sa luho ng mga tiwaling opisyal, kontratista, at kanilang mga pamilya.

“Ang panawagan para sa katahimikan ay mali sa batayan,” giit ni Tinio. “Sa halip na manahimik, dapat maging mapagmatyag, mapanuri, at aktibo ang bawat Pilipino. Hindi tayo dapat maging bingi at bulag sa katotohanan. Hindi tayo dapat tumahimik habang ninanakaw ang kinabukasan natin!”

Dagdag pa ni Assistant Minority Leader at Kabataan Party-list Rep. Atty. Renee Louise Co:

“Ang galit ng mamamayan ay hindi mali—ito ay likas na tugon sa dekada ng katiwalian at kapabayaan. Kapag nilapastangan ng mga opisyal ang tiwala ng bayan at ginawang personal na bangko ang kaban ng bayan, may karapatan ang mamamayan na ipahayag ang kanilang galit.”

“Ang tunay na lider ay hindi pinapatahimik ang hinaing ng bayan. Nakikinig siya at kumikilos upang wakasan ang korapsyon,” dagdag ni Tinio. “Ang panawagan ng administrasyon para sa katahimikan ay insulto sa bawat naghihirap na Pilipino at malinaw na pagtatakip sa kabulukan ng burukratikong kapitalismo.”

“Suportado namin ang karapatan ng mamamayan na magprotesta at ipahayag ang kanilang galit sa iba’t ibang paraan—dahil ito ay makatarungan at kinakailangan,” sabi ni Co.

“Pinakamasaklap kung ang mga nagpoprotesta pa ang unang kakasuhan, bago pa man managot ang mga kontratista o opisyal ng gobyerno,” babala ni Tinio.

Tiniyak ng Makabayan Bloc ang patuloy na pagtindig sa panig ng mamamayan sa loob ng Kongreso upang ibunyag ang katiwalian, manawagan ng pananagutan, at isulong ang tunay na reporma para sa kapakanan ng nakararami, hindi ng tiwaling iilan.

“Makatarungan ang galit ng mamamayan. Dapat itong pakinggan. Dapat tugunan ang kanilang panawagan para sa pananagutan,” pagtatapos ni Tinio. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *