Posibleng mabitin ang ipinatatayong Philippine Film Heritage Building na nagkakahalaga ng P107.9-M na proyekto ni First Lady Liza Marcos dahil tinanggalan ng lisensya ang lahat ng kompanyang pagmamay-ari ng pamilya Discaya.
Ang Great Pacific Builders, isa sa siyam na construction firms ng mga Discaya, ang nakakuha ng kontrata para sa pagtatayo ng naturang gusali sa Intramuros.
“Yung cinema, iba po ang gumagawa nyan; hindi po kasama sa kontrata ng Great Pacific Builders, sa chatter box solutions po yan. Buong building ang sa Great Pacific Builders pero hindi kasama ang sa sinehan,” ayon kay Atty. Cornelio Samaniego III, legal counsel ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
“Ang problema ngayon tinanggal ng PCAB ang mga lisensya; makikipagcommunicate kami ngayon kay DPWH Sec Vince Dizon para maconfirm kung itutuloy naming,” dagdag niya.
Inamin ni Samaniego at humingi ng paumanhin kay FL Liza dahil sa mga tulo sa ginagawang gusali na nakita nang mag-inspeksyon sa lugar si Palace Press Officer Claire Castro kasama ang media.
“Yung leak totoo po yun, yung nasa labas naman na downspot sinundan lang ng Great Pacific ang historical recommendation ng Intramuros,” ani Samaniego.
“Paumanhin sa First Lady hindi namin ito sinasadya,” wika ni Samaniego.
“Yung civil works, hindi kasama sa kontrata ng Great Pacific Builders,” giit ni Samaniego.
Sa kanyang paskil sa Facebook, inihayag ni FL Liza ang galit sa nabistong kamalasaduhan sa kanyang proyekto.
“Mahiya naman kayo! Pati ito, ninakawan n’yo ng dignidad,” anang Unang Ginang.
“Leaking roofs, cracked walls, unfinished theaters, ceilings already stained with water — all in a building that hasn’t even opened,” sabi ng First Lady.
Wala pang sagot ang Malakanyang sa pahayag ng kampo ni Discaya. (ROSE NOVENARIO)