Sun. Mar 15th, 2026

📷: Palace Press Officer Claire Castro | PTV-FB

 

Hinimok ni Palace Press Officer Claire Castro ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya na repasuhin ang kanilang umiiral na  pinasok na mga kasunduan.

“They might have overlooked their obligations given the volume of government projects they’ve received,” ayon kay Castro sa ulat ng Philippine News Agency (PNA).

Ang kanyang pahayag ay bilang tugon sa sinabi ng abogado ng mga Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III na ang Phase 2 ng Philippine Heritage Building ay nasungkit ng ibang contractor.

Sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH ay iginiit ni Samaniego na ang ipinatatayong Philippine Film Heritage Building na nagkakahalaga ng P107.9-M na proyekto ni First Lady Liza Marcos ay iba ang contractor ng mismong cinema.

Ang Great Pacific Builders, isa sa siyam na construction firms ng mga Discaya, ang nakakuha ng kontrata para sa pagtatayo ng naturang gusali sa Intramuros.

“Yung cinema, iba po ang gumagawa nyan; hindi po kasama sa kontrata ng Great Pacific Builders, sa chatter box solutions po yan. Buong building ang sa Great Pacific Builders pero hindi kasama ang sa sinehan,” ani Samaniego.

“Ang problema ngayon tinanggal ng PCAB ang mga lisensya; makikipagcommunicate kami ngayon kay DPWH Sec Vince Dizon para maconfirm kung itutuloy namin,” dagdag niya.

Inamin ni Samaniego at humingi ng paumanhin kay FL Liza dahil sa mga tulo sa ginagawang gusali na nakita nang mag-inspeksyon sa lugar si Castro kasama ang media.

“Yung leak totoo po yun, yung nasa labas naman na downspot sinundan lang ng Great Pacific ang historical recommendation ng Intramuros,” ani Samaniego.

“Paumanhin sa First Lady hindi namin ito sinasadya,” wika niya.

“Yung civil works, hindi kasama sa kontrata ng Great Pacific Builders,” giit ni Samaniego.

Sa isang paskil sa Facebook ay binatikos ni First Lady Liza Araneta Marcos ang dispalinghadong konstruksyon ng kanyang proyekto.(ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *