Mariing itinanggi ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga alegasyong lumutang sa pagdinig ng Senado, na tinawag niyang “malisyoso” at “puro name-dropping” para sirain ang kanyang reputasyon at ang institusyong kanyang pinamumunuan.
“Wala akong kinalaman, wala akong pahintulot, at wala akong basbas sa mga ganyang gawain,” giit ni Romualdez, kaugnay ng affidavit ng mag-asawang Discaya na nagsasabing ginamit ang kanyang pangalan para sa komisyon sa mga proyekto.
Paliwanag niya, tungkulin lamang ng Kongreso ang pagtalakay at pag-apruba ng badyet—hindi ang pagpapalabas ng pondo o pagpapatupad ng proyekto. “Kung may gumamit ng pangalan ko para kumita, ginawa nila iyon nang hindi ko alam at walang pahintulot. Sila ang dapat managot,” aniya.
Dagdag pa ng Speaker, “Hindi ako tumanggap at kailanman ay hindi tatanggap ng suhol. Walang sinuman ang kayang manuhol sa akin.”
Binigyang-diin ni Romualdez na pananagutin ang sinumang abusado, at hindi niya hahayaang sirain ng kasinungalingan ang Kongreso. “Sa ilalim ng aking pamumuno, lilinisin natin ang sistema, parurusahan ang may sala, at poprotektahan ang pera ng bayan,” pagtatapos niya. (ROSE NOVENARIO)