📷: Las Piñas City Mayor April Aguilar
Isinulong ni Rep. Mark Anthony Santos ang isang komprehensibong estratehiya upang maresolba ang lumalalang problema sa trapiko sa lungsod, partikular sa mga pangunahing kalsada gaya ng Alabang-Zapote Road, CAA Road, at Marcos Alvarez Avenue.
Ayon kay Santos, ang kakulangan ng alternatibong ruta, mahinang pagpapatupad ng mga batas-trapiko, at patuloy na pagdami ng pampubliko at pribadong sasakyan ang pangunahing dahilan kung bakit pahirapan ang araw-araw na biyahe ng libu-libong residente at motorista.
Upang tugunan ito, makikipag-ugnayan si Santos sa mga pambansang ahensya at sa lokal na pamahalaang pinamumunuan ni Mayor April Aguilar at ng Sangguniang Panlungsod para sa pagpapatupad ng mga panandalian, panggitna, at pangmatagalang solusyon sa trapiko.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang pagpapalawak at rehabilitasyon ng mga pangunahing kalsada gaya ng Alabang-Zapote Road, pati na ang pagtatayo ng mga bagong access roads at alternatibong ruta upang maibsan ang bigat ng trapiko. Isinusulong din niya ang pagpapabilis at pagpapakumpleto ng mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng Build Better More program, kabilang ang pagpapalapad ng mga tulay at pagtatayo ng mga flyover.
Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang imodernisa at isaayos ang pampublikong transportasyon, kabilang ang pagpapatupad ng route rationalization at pagbibigay-insentibo para sa paggamit ng modernong jeepney at e-trike na mas episyente at makakalikasan.
Upang matiyak ang maayos na implementasyon, iminungkahi ni Santos ang pagbuo ng isang multi-agency traffic task force na binubuo ng Metro Manila Development Authority, Land Transportation Office at LGU upang mangasiwa sa koordinasyon, pagpapatupad, at pagpaplano.
Nais din niyang isulong ang batas para sa real-time traffic monitoring systems at smart traffic light technology sa mga pangunahing interseksiyon na madalas nakararanas ng pagsisikip.
“Ang lahat ng planong ito ay ipatutupad sa pakikipag-ugnayan kay Mayor April, mga opisyal ng lungsod, at iba pang stakeholders upang matiyak na tunay na makikinabang ang mga residente ng Las Piñas,” ani Santos.
Bukod dito, binigyang-diin ni Santos ang kahalagahan ng pagtanggal sa mga sagabal sa kalsada gaya ng ilegal na paradahan at sidewalk vendors na nakakadagdag sa pagsisikip ng mga daan.
Hinikayat din niya ang mga opisyal ng barangay na istriktong ipatupad ang mga lokal na ordinansa at panatilihin ang disiplina sa kani-kanilang nasasakupan.
“Ang paglutas sa trapiko sa Las Piñas ay hindi matatapos sa magdamag—pero hindi natin puwedeng ipagpaliban ang kongkretong aksyon. Bawat oras na nasasayang sa trapiko ay pagkawala ng produktibidad at mahalagang oras ng ating mga kababayan kasama ang kanilang pamilya,” ani Santos.
Hinikayat din niya ang mga residente na suportahan ang mga pangmatagalang reporma sa trapiko at subukan ang alternatibong paraan ng transportasyon gaya ng pagbibisikleta at carpooling, kasabay ng kanyang suporta sa LRT-1 Cavite Extension at mga proyektong pang-riles na magbibigay ng dagdag na koneksyon sa timog ng Metro Manila. (RRN)