Kinompirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na isang empleyado ng WJ Construction, ang contractor na unang isinangkot ni dating DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez sa umano’y kickback scheme, ay nakita sa loob ng Senado noong Agosto 19, 2025.
Ayon kay Lacson, may hawak na silang CCTV footage na nagpapakita ng pagbisita ng naturang empleyado, na kinilala bilang “Mina.” Inatasan na rin ang Senate staff na i-secure ang footage at ipatawag ang CCTV operator para tumestigo sa Blue Ribbon Committee hearing sa Setyembre 18.
“As we speak, meron kaming video footage—CCTV footage na dumalaw dito talaga yung WJ. Ang pangalan yata ay Mina. Ipapatawag namin ’yun… para maliwanag kung kanino siya nagpunta, kaninong office, at sinong kinausap niya,” pahayag ni Lacson.
Ang hakbang ay tugon sa testimonya ni Hernandez sa Kamara, kung saan sinabi niyang ang WJ Construction ay ginagamit umano sa paghahatid ng “obligations” o lagay sa isang Senate staff na kinilala bilang “Beng Ramos,” na umano’y konektado kay Senador Jinggoy Estrada.
“Kasi kung CCTV alone, hindi makakapagsalita ’yun eh,” dagdag ni Lacson, sabay giit na kailangang tumestigo ang mismong operator ng CCTV para matukoy kung saang opisina nagpunta si Mina. (ROSE NOVENARIO)