Ang anak ng diktador, ngayo’y nagsasabing handang maki-martsa.
Sa kanyang talumpati ngayong Setyembre 15, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi niya sinisisi ang mga nagpoprotesta laban sa korapsyon sa flood control projects, bagkus, kinikilala niya ang galit ng bayan at sinabing:
“If I wasn’t president, I might be out in the streets with them.”
Isang pahayag na tila pagsuporta sa mga kilos-protesta, sa kabila ng kasaysayan ng kanyang pamilya bilang sentro ng mga rally laban sa human rights violations at pandarambong.
Giit ng Pangulo, siya mismo ang nagsiwalat ng mga iregularidad sa multi-bilyong pisong flood control projects upang mapanagot ang mga nasa likod ng katiwalian.
Aniya, makatarungan ang galit ng taumbayan at dapat itong pakinggan.
“To show that you are enraged… angry… disappointed. To show that you want justice… fairness, what’s wrong with that?”
“I want to show that there is justice… there is fairness.”
Gayunpaman, iginiit niyang dapat manatiling mapayapa ang mga kilos-protesta. Sakaling lumampas ito sa mapayapang hangganan, aniya, tungkulin ng kapulisan na panatilihin ang kaayusan.
Nauna nang tiniyak ni Marcos Jr. na sasampahan ng kaso ang mga “big fish” sa likod ng flood control scam. Naitatag na rin ang Independent Commission for Infrastructure upang magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Ngunit para sa mga progresibong grupo, hindi sapat ang mga pahayag. Ang kanilang panawagan, aktwal na paniningil, hindi retorika.*
Ikinakasa ang malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21 sa Luneta at People Power Monument, pangungunahan ng mga youth coalitions, simbahan, at civil society groups. Panawagan nila ang:
– Kagyat na pagpapakulong sa mga nagsabwatan sa flood control scam
– Pagbuwag sa pork barrel system
– Transparency sa lahat ng infrastructure contracts
Sa panahong ang anak ng diktador ay nagsasabing handa siyang maki-rally, ang tanong ng bayan ay malinaw, kung tunay ang pakikiisa, nasaan ang paniningil?.
Ang galit ng mamamayan ay hindi sentimental, ito’y panawagan para sa sistemikong pagbabago. (ROSE NOVENARIO)