Okay ang kalagayan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte taliwas sa inihayag ng kanyang defense counsel sa International Criminal Court (ICC) na ulyanin na siya kaya’t hindi kayang humarap sa paglilitis sa kasong crimes against humanity.
“Tumawag siya last Friday. He’s okay,” sabi ni Vice President Sara Duterte sa isang ambush interview matapos dumalo sa deliberasyon ng House appropriations panel sa panukalang P889 milyong budget para sa 2026 ng OVP.
“Nag-usap kami [ni former President Duterte] about politics, nag-usap kami about flood control, nag-usap kami about love life niya,” dagdag niya.
Noong Setyembre 11, sinabi ni Nicholas Kaufman, abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanyang kliyente ay “unable to recall events, places, timing, or even members of his close family.”
Dahil sa pahayag ng depensa, ipinagpaliban ng ICC ang nakatakdang pagdinig para sa confirmation of charges laban kay Duterte sa Setyembre 23.
Naghain kamakalawa si acting Davao City Mayor Baste Duterte ng reklamong kidnapping laban sa ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pagdakip kay Duterte at pagsuko sa kanya sa ICC. (ZIA LUNA)