Nanawagan ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) and Kontra Baha, Kontra Kurakot Network kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Vice President Sara Duterte at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno na magpaliwanag sa kanilang ugnayan sa mga kontratista.
Ang pahayag ay kasunod ng bagong ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na tumanggap ng milyun-milyong pisong donasyon sa kanilang kandidatura sina Marcos Jr. at Duterte noong 2022 elections.
Giit ng TAMA NA at KKK Network na walang puwang ang palusot at dapat maging tapat at bukas ang dalawang pinakamataas na opisyal tungkol sa kanilang campaign contributors at sa mga benepisyong nakuha ng mga ito matapos ang halalan.
Kasabay nito, hinimok din ng mga grupo sina Marcos Jr., Duterte, mga miyembro ng Gabinete, Senado, Kongreso, Korte Suprema, Court of Appeals, at lahat ng halal na opisyal na agad at walang kondisyon na ilabas ang kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at pumirma ng bank waivers.
Giit nila, obligasyon ito ng bawat lingkod-bayan, batay sa Konstitusyon at ang pinakapayak na pamantayan ng pagiging tunay na lingkod ng bayan.
“Ang mga tumatanggi at umiiwas ay walang kredibilidad para magsalita laban sa korapsyon o magkunwaring tagapagtaguyod ng reporma,” anang mga grupo.
Mariin nilang tinututulan ang mga naratibong ipinipilit sa Luneta at EDSA rallies na para bang kailangang mamili ng kampo ng pulitiko.
“Hindi taumbayan ang dapat mamili. Ang mga pulitiko ang kailangang pumili:
Ilalabas ba ang SALN o hindi.
Pipirma ba ng bank waiver o hindi.
Magiging bukas at mananagot ba—o hindi.”
Binigyan diin nila na ang panunungkulan sa gobyerno ay isang tiwala ng bayan na hindi dapat yurakan. (ROSE NOVENARIO)