Sun. Mar 15th, 2026

Nanawagan si ACT Teachers Party-list Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng agarang pagbibitiw ni Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, matapos ang “malinaw na paglabag” sa Konstitusyon kaugnay ng ₱505.13 milyong halaga ng kontrata ng gobyerno na napunta sa kumpanya ng kanyang asawa.

Itinalaga si Lipana ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2022, ngunit ngayon ay nahaharap sa kontrobersya matapos mabunyag sa COA budget briefing ang direktang kaugnayan ng kanyang asawa sa mga proyekto ng gobyerno.

Ayon kay Tinio, si Marilou Laurio Lipana, Pangulo at General Manager ng Olympus Mining and Builders Group Philippines, ay nakakuha ng siyam na kontrata mula sa gobyerno ngayong 2025 para sa mga flood control at farm-to-market road projects sa Bulacan na umaabot sa ₱326.609 milyon. Bukod pa ito sa dalawang natapos nang flood control projects na nagkakahalaga ng ₱178.52 milyon.

“Ito ay isang malinaw na paglabag sa Article 9, Section 2 ng Konstitusyon na nagsasabing walang miyembro ng constitutional commission ang dapat magkaroon ng direktang o di-direktang interes sa anumang kontrata sa gobyerno,” pahayag ni Tinio.

“Walang pagdududa dito—may malinaw na paglabag sa Konstitusyon.”

Pinakamatindi ang naging sagot ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba sa tanong ni Tinio kung may paglabag sa Konstitusyon sa ganitong sitwasyon: “Sa pagtingin ko po, medyo meron po.”

“Para po sa akin, personally, there’s a potential conflict of interest.”

Binigyang-diin ni Tinio na hindi isinapubliko ang mga kontratang ito, at lima sa siyam ay nakatanggap na ng partial payment.

“Batay sa dokumentong isinumite ng COA, mayroong siyam na mga proyekto ngayong taon ang kumpanya ng asawa ni Commissioner Lipana na umabot na sa mahigit ₱326 million. Sa siyam na proyektong ito, lima ang nagkaroon na ng first partial payment. Bukod pa ito sa dalawang proyektong nasa Sumbong sa Pangulo website na nagkakahalaga namang ₱178.5 million.”

Binatikos din ni Tinio ang matagal na medical leave ni Lipana sa Singapore, na lalo umanong nagpapalala sa isyu.

“Habang nasa Singapore siya nagpapagamot for months, ang asawa niya ay kumikita ng milyun-milyong piso mula sa government contracts. This is not just a conflict of interest—this is a mockery of our Constitution.”

Hindi rin pinalampas ni Tinio ang sentimyento ng publiko:

“Marami po, dismayado sa COA na parang ang feeling ng maraming kababayan natin, nasan kayo? Natutulog ba kayo sa pansitan? O mas masagwa pa nga, baka kasabwat din kayo dito. Tapos ngayon, meron po tayong commissioner na may malinaw na financial interest sa mga kontrata ng flood control na pinagbabawal ng Konstitusyon.”

“Kaya alang-alang po sa kredibilidad ng COA, hindi ba dapat mag-resign na ang Commissioner na ito?”

“How can the Commission on Audit maintain its integrity when one of its commissioners is constitutionally disqualified from serving?”

Ipinaalala rin ng mambabatas na dapat idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang ganitong interes sa negosyo.

“Nakalagay po sa SALN yung mga corporations owned by the family. This should have been declared and addressed long ago,” aniya.

At sa kanyang huling pahayag:

“This is not about the quality of flood control projects. This is about the fundamental principle that constitutional commissioners cannot profit from government contracts. The Constitution is clear, the COA Chair’s admission is clear, and the solution must be equally clear: Commissioner Lipana must resign immediately.” (ROSE NOVENARIO)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *