Sun. Mar 15th, 2026

Habang bilyong piso ang nawawala sa korapsyon, mga pamilya ng batang may cancer ang nananawagan ng agarang aksyon sa sirang kalagayan ng pampublikong health system.

Sa isang viral na Facebook post, ibinahagi ng isang ina ang masakit na karanasan sa paglalaban ng kanyang anak sa cancer sa Philippine General Hospital (PGH) kahit pa sila ay naka-admit sa private ward.

“Habang may nakukupit na bilyon, may batang umaasang umabot pa siya sa gamutan,” anang ina. Isinalaysay niya ang matagal na paghihintay sa biopsy results, kakulangan ng gamot at mga gastusing kailangang sagutin kahit may Guarantee Letter.

Dahil sa halos isang buwang delay sa resulta ng biopsy, napilitan silang dalhin ang slides sa isang pribadong ospital para sa mas mabilis na pagsusuri. “Sa PGH, limang araw lang bukas ang pathology services, 8 AM hanggang 5 PM. Pero ang cancer, hindi naghihintay,” dagdag niya.

Binanggit din ng post ang limitadong coverage ng PhilHealth, pahirapang proseso sa paghingi ng tulong sa gobyerno, at ang emosyonal na bigat ng pagiging magulang sa gitna ng krisis.

“Kung ang bilyon-bilyong perang nakurakot ay nailaan lang sana sa mga pampublikong ospital, baka mas maraming bata ang natulungan. Baka mas maraming buhay ang nailigtas.

Pinuri rin ng ina ang dedikasyon ng mga doktor at nurse sa PGH, ngunit iginiit na kulang ang suporta at pasilidad para sa kanila. “Kung mabibigyan lang sila ng sapat na resources, mas marami pa silang maisasalbang buhay.”

Dahil sa pagkalat ng post, muling nananawagan ang health advocates ng reporma sa health system, transparency sa paggastos ng pondo, at mas malawak na suporta para sa pediatric cancer care. Hinikayat din ang mga mambabatas na imbestigahan ang korapsyon sa mga budget ng imprastruktura at kalusugan, at unahin ang serbisyong pangkalusugan kaysa sa kita ng malalaking negosyo.

Ang kwento ay nagsilbing panawagan para sa mga pamilya, health workers, at mamamayan na humihiling ng gobyernong tunay na nagmamalasakit, hindi ‘yung nagpapabaya sa gitna ng sakit at pagdurusa. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *