Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson at accountant na si Rossana Fajardo bilang mga miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)—isang fact-finding body na susuri sa mga proyekto sa flood control at iba pang imprastruktura sa nakalipas na sampung taon.
Ayon sa Malacañang, si Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City ay hindi miyembro ng komisyon kundi isang “special adviser” na magsisilbing imbestigador. Inaasahang iaanunsyo mismo ni Marcos ang magiging chairperson ng ICI sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na magsisimula agad ang trabaho ng komisyon matapos lagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 94 noong Setyembre 11.
Nakasaad sa EO na ang mga miyembro ng ICI ay dapat may “napatunayang kakayahan, integridad, at kalayaan sa pag-iisip.”
Si Singson, na nagsilbi sa ilalim ng administrasyong Aquino, ay kilala sa mga repormang isinulong niya sa DPWH upang labanan ang ghost projects at tiyaking maayos ang paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon sa Malacañang, ang kanyang teknikal na kaalaman sa disenyo, procurement, at implementasyon ng mga proyekto ay mahalaga sa mandato ng komisyon.
Si Fajardo naman ay managing partner ng SGV & Co. at may mahigit tatlong dekada ng karanasan sa auditing, risk management, at pagsusuri ng financial systems.
Nagsilbi siya sa parehong pampubliko at pribadong sektor upang tukuyin ang mga kahinaan sa sistema, pigilan ang pandaraya, at palakasin ang pananagutan sa pamahalaan.
Bagamat unang sinabi ng Pangulo na walang pulitiko sa komisyon upang mapanatili ang pagiging “independent,” nilinaw ng Malacañang na si Magalong ay tagapayo lamang.
Binigyang-diin ni Castro ang background ni Magalong bilang dating opisyal ng PNP, partikular sa mga sensitibong imbestigasyon gaya ng Mamasapano incident noong 2015.
Bilang alkalde ng Baguio, naging bukas si Magalong sa paglalantad ng mga iregularidad sa mga flood control projects.
Nitong Agosto, nagsumite siya ng ulat kay Marcos ukol sa umano’y anomalya sa mga proyekto sa Baguio at Benguet. Ayon kay Castro, maaaring isumite ni Magalong sa ICI ang anumang ebidensyang makakalap niya sa sariling pagsisiyasat.
Ngunit kinuwestiyon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang “pananahimik ni Magalong sa rock-netting scam sa Baguio.
“Nung 2022, sinabi ni Mayor Benjie Magalong sakin kung sino ang mga nasa likod ng ₱36 bilyon rock-netting scam sa Baguio/Benguet. Ang tanong bakit hindi nya ito nilalabas hanggang ngayon?” ayon sa paskil ni Trillanes sa Facebook.
“Takot ba sya o dahil kaalyado nya ang mga Duterte?” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO)