Nagkakaisa ang mga manggagawa sa transportasyon mula Luzon, Visayas, at Mindanao para sa isang pambansang tigil-pasada sa Setyembre 18, isang matapang na hakbang laban sa sistemikong katiwalian at mapang-abusong buwis sa langis sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Pinangungunahan ng transport coalition na PISTON, layunin ng kilos-protesta na patigilin ang mga ruta sa buong bansa upang igiit ang pananagutan sa mga umano’y ghost projects sa flood control at sa patuloy na paniningil ng Value Added Tax (VAT) at Excise Tax sa produktong petrolyo—mga buwis na anila’y nagpapalubog sa kanila sa utang.
“Halos ₱13,000 kada buwan ang buwis sa langis ng mga tsuper, ₱4,000 sa mga riders. Pero pinaka-malas ang mga naka-modern—₱23,400 kada buwan ang nananakaw sa kanila gamit ang VAT at Excise Tax. Lubog ka na sa utang, ninanakaw pa ang buwis mo!” ayon sa Facebook post ng PISTON.
Giit ng grupo, ayaw tanggalin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang buwis sa langis dahil dito umano kinukuha ang pondo para sa mga ghost infrastructure projects, lalo na sa flood control budget. Hindi na anila sapat ang mga hearing at imbestigasyon.
“Dapat may managot! Dapat may makulong!” panawagan ng PISTON.
Inaasahang maaapektuhan ang mga pangunahing terminal at ruta sa buong bansa, habang nagpahayag na ng suporta ang mga progresibong grupo, youth coalitions, at civil society networks.
Ayon sa mga organizer, hindi lang ito laban sa taas-pasahe o presyo ng langis—ito ay pambansang sigaw laban sa korapsyon, utang na dulot ng modernization, at nakaw na pondo ng bayan.
Ang protesta ay kasabay ng lumalalim na imbestigasyon sa mga budget insertion at umano’y kickback sa mga flood control projects, kung saan nananawagan ang mga watchdog at ilang mambabatas ng mas malalim na pagsisiyasat at aktwal na pananagutan. (RRN)