📷: One PH | Facebook
Nag-inspeksyon sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa construction site ng isang flood control project sa Bauang, La Union ngayong umaga ng Setyembre 16.
Sa video na ipinaskil ng One PH sa Facebook, tinanong ni Dizon ang inabutan sa lugar na lalaki kung ano ang ginagawa nila.
Tugon ng lalaki, flood control project ang kanilang ginagawa at arawan silang mga manggagawa at hindi sa kanila nagmumula ang mga materyales na ginagamit sa proyekto.
Nabatid na ang nasabing proyekto ay markadong tapos na noong Marso 2025 ngunit hanggang ngayon ay ginagawa pa rin at ang nakatalang contractor nito’y Silverwolves Construction Corporation.
Matatandaan na sa kanyang unang privilege speech hinggil sa anomalya sa flood control projects, tinukoy ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mistulang tumubong parang kabute ang bilang ng flood control projects sa La Union, na matatagpuan ang Bauang River Basin, kahit wala ito sa 2024 National Expenditure Program (NEP).
“Mr. President, magtungo naman tayo sa Hilagang Luzon, partikular sa probinsya ng La Union kung saan matatagpuan ang Bauang River Basin na kung saan, matindi ang congressional insertions. Sa tulong ng mga concerned groups and individuals, napansin namin ang bilang ng flood control projects na bagama’t wala sa NEP 2024 ay biglang tumubong parang kabute sa GAA ng nakaraang taon,” lahad ng senador.
“Halimbawa, ang ‘Construction of Flood Control Structure along Bauang River Basin’, dalawang items lamang na may tig-50 million ang nakalaan sa bahagi ng Naguilian, samantalang sa bayan ng Bauang ay wala pong proyekto sa NEP,” ayon kay Lacson.
“Abrakadabra! Sa naipasang 2024 GAA, nagkaroon ng sampung items na nahahati mula Package 1 hanggang Package 10 na may tig-P98 million ang biglang umusbong para sa Naguilan. Sa kabuuan, ang sampung packages na ito ay umabot sa P967 Million, halos isang bilyong piso kumpara sa 2 tig-50 million lamang sa 2024 NEP,” dagdag niya.
Habang sa Bauang naman aniya, “pitong (7) packages ang lumitaw na may magkakaparehong halaga 89 million each. Sa kabuuan, ito ay nagkakahalaga ng 623 million, mula zero budget sa NEP 2024. Sa aming masinsing pagkakalkal ay natuklasan naming iisang contractor ang na-award-an ng lahat ng packages na ito – ang Silverwolves Construction Corporation. Distinct pa din, distinguished colleagues,” giit ni Lacson.
Ang Silverwolves ay pagmamay-ari ni Moises Tabucol.
Batay sa DPWH website si Ronnel Tan ang regional director ng DPWH Region 1 at si De Gil B. Lorenzo ang La Union 2nd District Engineering Office chief.
Si Tan, esposo ni Quezon Gov. Helen Tan, ay isa sa mga opisyal ng DPWH na nagsumite ng courtesy resignation kay Dizon.
Habang si La Union 2nd District Rep. Dante S. Garcia ng Lakas-CMD ang kinatawan ng lugar sa Kongreso. (ROSE NOVENARIO)