Sa isang makapangyarihang hakbang laban sa sistematikong korapsyon, ipinag-utos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa135 bank account at 27 insurance policy na konektado sa maanomalyang flood-control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inaprobahan ng Court of Appeals ang freeze order laban sa 26 katao, kabilang ang mga tauhan ng DPWH, mga kontratista, at kanilang mga kumpanya.
Kasama sa mga tinamaan ang tinaguriang “Bulacan Group of Contractors” (BGC boys) at si Sarah Discaya, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Ang freeze order ay epektibo agad sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act, matapos tukuyin ng AMLC ang posibilidad ng money laundering gamit ang pondo ng bayan.
Bagamat hindi pa batid ang kabuuang halagang sakop ng freeze order, sinabi ng AMLC na maaari itong matukoy sa loob ng 24 oras. (ROSE NOVENARIO)