Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na posibleng may kasabwat sa Department of Budget and Management (DBM) ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Paliwanag ni Lacson, ang DBM ang naglalabas ng pondo sa mga ahensya ng pamahalaan at hindi basta naire-release ang unprogrammed funds kung walang rekomendasyon mula sa DBM sa pangulo ng bansa.
“May kasabwat sa DBM. Ito ang naglalabas ng pondo. Hindi basta basta nare-release ang unprogrammed funds,” ani Lacson sa panayam sa DZBB.
“Kung susundin talaga ang batas, Presidente lang ang puwede. Pero siyempre ang Presidente, umaasa yan sa DBM pag nirekomenda ito, i-release natin yung unprogrammed appropriations. DBM talaga ang ahensya na nangangasiwa dyan. Ang pag-release ng budget, disbursement DBM eh,” dagdag niya.
Ang pahayag ni Lacson ay matapos matuklasan ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon na totoo ang naging pahayag ni dating Bulacan DPWH engineer Brice Hernande na nagkaroon ng budget insertion sina Sens. Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa national budget.
Lumabas aniya na totoo ang isiniwalat ni Hernandez nasa 2025 General Appropriations Act (GAA) ang ₱355 million na budget insertion ni Estrada, na hinati-hati sa apat na proyekto sa Bulacan.
Habang nasa unprogrammed funds naman ng 2023 national budget ang ₱600 million na budget insertion ni Villanueva, na hinati-hati naman sa 8 proyekto sa Bulacan.
Kailangan aniyang patunayan ni Hernandez na tumanggap ng kickback sina Estrada at Villanueva sa mga nasabing proyekto.
“Kaya lang yung isyu na nagbigay ba talaga siya ng commission doon sa dalawang senador eh yun ang ipo-prove niya ngayon,” ano Lacson.
Hihilingin ni Lacson kay Senate President Tito Sotto na payagan si Hernandez na umuwi para kumuha ng mga ebidensya batay sa hirit nito sa pagdinig ng komite kahapon at pasasamahan niya ng mga escort mula sa Senado.
Dalawang malalaking kaso ng anomalya sa bansa ang sumabit ang mga opisyal at kawani ng DBM gaya ng pamosoong pork barrel scam na kasama sa mga sinampahan ng kaso sina noo’y DBM Undersecretary Mario Relampagos at mga DBM staff na sina Rosario Nuñez, Lalaine Paule at Marilou Bare.
Habang sa Pharmally anomaly noong panahon ng COVID-19 pandemic ay kinasuhan sina dating PS-DBM Executive Director Lloyd Christopher Lao, Warren Rex Liong, dating Procurement Group Director at mga empleyadong sina Paul Jasper De Guzman,Webster Laureñana, August Ylagan, Jasonmer Uayan, at Christine Marie Suntay. (ROSE NOVENARIO)