Isiniwalat ng International Criminal Court (ICC) ang mga kasong kriminal laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa 49 insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga.
Ang mga ito ay itinuturing na crimes against humanity at isinagawa noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo ng Pilipinas.
Inilabas ng ICC ang pampublikong redacted na bersyon ng “Document Containing the Charges” na may petsang Hulyo 4, 2025, noong Setyembre 22 o isang araw bago ang nakatakdang pagdinig sa The Hague para sa kumpirmasyon ng mga kaso.
Naantala ang pagdinig matapos igiit ng kanyang abogado na hindi siya “fit to stand trial.”
Ayon sa dokumentong nilagdaan ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, mas malawak ang aktwal na bilang ng mga biktima kaysa sa 78 na nakasaad, batay sa “malawakang katangian ng mga pag-atake.”
Detalye ng mga Kaso
– Count 1: Pagpatay bilang krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa Davao City, kung saan may 19 biktima sa siyam na insidente mula 2013 hanggang humigit-kumulang 2016, sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang alkalde. Siya ay sinasabing kasabwat sa hindi tuwirang paraan, at/o nag-utos, nag-udyok, tumulong, o sumuporta sa mga nasabing krimen.
– Count 2: Pagpatay bilang krimen sa sangkatauhan sa mga tinaguriang “high-value targets” sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. May kabuuang 14 na biktima sa limang insidente na naganap noong si Duterte ay Pangulo, mula humigit-kumulang 2016 hanggang 2017. Siya ay sinasabing kasabwat sa hindi tuwirang paraan, at/o nag-utos, nag-udyok, tumulong, o sumuporta sa mga nasabing krimen.
– Count 3: Pagpatay at tangkang pagpatay bilang krimen sa sangkatauhan na isinagawa sa mga operasyon ng barangay clearance sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. May kabuuang 45 biktima, kung saan 43 ang napatay, sa mga insidente bilang 15 hanggang 49, na naganap sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Pangulo mula humigit-kumulang 2016 hanggang 2018. Siya ay sinasabing kasabwat sa hindi tuwirang paraan, at/o nag-utos, nag-udyok, tumulong, o sumuporta sa mga nasabing krimen.
“Network at Reward System’
Ayon sa dokumento, bumuo si Duterte at ang kanyang mga kasabwat ng isang “National Network” na binubuo ng mga tauhan ng estado gaya ng mga opisyal ng PNP, PDEA, NBI, BuCor, pati na rin mga hindi pulis at mga bayarang mamamatay-tao. Ang network na ito ay kumilos na parang Davao Death Squad (DDS), na may “Common Plan” para patayin ang mga pinaghihinalaang kriminal.
May ilang biktima na nakalista sa tinatawag na “PRRD List” (President Rodrigo Roa Duterte), kung saan ang mga target ay binigyan ng antas mula Level 1 hanggang 5. Ang mga pulis na nakapatay ng target mula sa listahang ito ay umano’y nakatanggap ng gantimpala mula ₱50,000 hanggang ₱1 milyon, depende sa antas ng target.
Tinukoy ng dokumento na ang mga pag-atake ay “malawak” at “sistematiko” na nagpapakita ng malinaw na pattern ng karahasan laban sa mga sibilyan. (ROSE NOVENARIO)