Naniniwala si Atty. Kristina Conti, abogado ng ilang biktima ng Duterte drug war, paparating na ang arrest warrant laban kina dating PNP chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil litaw na ang kanilang naging papel sa pagpapalawak ng operasyon ng Davao Death Squad sa buong bansa.
Nakasaad aniya ito sa Document Containing the Charges (DCC) na isinumite ng prosecutor ng International Criminal Court na may walo pang “co-perpetrator” si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa “three counts of crimes against humanity in the acts of murder and attempted murder.”
Sa ngayon, ayon kay Conti, inililihim pa ng ICC ang pagkakakilanlan ng iba pang co-perpetrator, maliban kina Dela Rosa at Aguirre na tinukoy sa DCC.
“The DCC also highlights the role of other personalities involved and potential eight other named co-perpetrators. Former PNP chief and now Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa and former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II were named in the DCC because of their clear involvement in taking the Davao Death Squad killings nationwide – a clear argument that warrants should also be issued against them,” wika ni Conti, pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region at katuwang na abogado ng Rise Up.
Sa harap nito, nabahala ang grupong Rise Up for Life and for Rights at kanilang mga abugado sa makitid na saklaw ng mga kaso.
Anila, nililimitahan nito ang pagkilala sa mga biktima at sa buong lawak ng mga krimen ni Duterte.
Nangangahulugan din ito nas mas kaunti ang bilang at mga kategorya ng mga biktima na kikilalanin ng ICC at maaaring lumahok sa kaso.
Binanggit ni Conti na mas malawak ang saklaw ng imbestigasyon ng ICC, kung saan kasama ang mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa sapilitang pagkawala, karahasan sa sekswal, tortyur, at iba pang hindi makataong krimen.
Sinabi rin niyang “nakababahala at nakakainip” ang inantalang pagsasapubliko ng DCC, gayong nauna na itong naibigay sa depensa at sa korte noon pang Hulyo 2025.
Resulta nito, sa halos 304 biktima na nagsumite ng aplikasyon para lumahok sa kaso, 15 lamang ang tatanggapin na aplikasyon dahil sila lamang ang sakop ng kaso.
Sa kabila ng mga hamon, itinuturing pa rin ng Rise Up na mahalagang yugto ang paglalabas ng DCC sa kaso laban kay Duterte.
Ito ang kauna-unahang kriminal na paratang ng mabibigat na paglabag laban sa isang Pangulo ng Pilipinas at naglalaman ng komprehensibong ebidensya ng mga pagpatay sa panahon ng kanyang “gera kontra droga.”
“Kapag naganap na ang pagdinig para kumpirmahin ang mga paratang, haharapin ni Duterte ang mga akusasyon nang harapan sa hukuman. Mahalagang manatili siyang nakakulong sa ICC upang matiyak ang hustisya at pananagutan para sa mga biktima,” pahayag ni Conti. “Ang kasong ito ay isang mahalagang hakbang para sa pandaigdigang katarungan, lalo na’t limitado ang mga pagkakataon para sa pananagutan sa loob ng bansa.” #