📷: Ex-Las Piñas-Muntinlupa District Engineer Isabelo Baleros
Isa-isang nabubunyag ang mga galamay at mga opisyal na nadadawit sa katiwalian, na itinulak at itinalaga ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary at ngayo’y Senador Mark Villar mula 2016 hanggang 2025, na tila ginawang pugad ng korapsyon at palusot ng bilyon-bilyong proyekto ang ahensya.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, mismong inamin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na si Villar ang nagtalaga sa kanya noong 2017, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bernardo at ang Ghost Projects sa Bulacan
Si Bernardo, isang protégé ni dating Pangulong Joseph Estrada, ay umano’y “binaha” ang kanyang sariling bayan sa Bulacan ng ₱6.91 bilyong halaga ng mga flood-control project sa huling tatlong taon ng administrasyong Marcos, kung saan halos ₱5 bilyon ang tinukoy na mga ghost project.
Mismong si Estrada ang tumayong saksi nang manumpa si Bernardo bilang undersecretary sa harap noon ni Villar, isang larawan na minsang ipinagmamalaki sa Facebook page ni Estrada ngunit kalaunan ay binura at itinago sa publiko.
Lalong bumilis ang pag-angat ni Bernardo sa ilalim ni Villar, na nagtalaga sa kanya bilang assistant secretary noong 2016 at agad ding itinulak bilang undersecretary.
Sa posisyong ito, hawak ni Bernardo ang bilyon-bilyong pondo para sa mga proyektong pang-imprastruktura, hindi lamang ang mga pinondohan ng DPWH kundi pati na rin mga gusali ng paaralan, health centers, at farm-to-market roads na pinopondohan ng iba pang ahensya.
Alcantara at ang BGC Boys
Bukod kay Bernardo, si Villar din ang nasa likod ng pagtatalaga sa ilan sa tinaguriang “Bulacan Group of Contractors (BGC) boys,” kabilang ang kontrobersyal na si Engr. Henry Alcantara, ang sinibak na hepe ng Bulacan First Engineering District, at ang dating Las Piñas-Muntinlupa District Engineer na si Isabelo Baleros.
Pinangalanan mismo ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson ang mga kasamahan ni Alcantara sa “BGC boys” na sina dating Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Construction Division Chief Jaypee D. Mendoza, at Project Engineer Arjay S. Domasig.
Si Alcantara ay itinalaga mismo ni Villar bilang district engineer ng Bulacan 1st Engineering District noong 2019. Hawak niya ang mga lugar na kilalang laging binabaha gaya ng Hagonoy, Baliwag, Calumpit, at Malolos na ngayo’y iniimbestigahan dahil sa umano’y ghost flood control projects.
Ipinakita sa mga dokumento na nilagdaan ni Villar ang Special Order No. 92 noong Agosto 5, 2019, na nagtalaga kay Alcantara bilang kapalit ni Engr. Ruel V. Angeles na nagretiro na.
Bilang undersecretary, may papel din si Bernardo sa promosyon ni Alcantara mula district engineer ng Bulacan hanggang acting assistant regional director ng Region 4A sa ilalim noon ni dating Secretary Manuel Bonoan.
“Nagbigay ng napakalaking impluwensya kay Bernardo ang kanyang posisyon pagdating sa mga appointment at operasyon. Kung mapapatunayang may mabigat na pagkakasala siya, maaaring mabawi o hindi niya makuha ang kanyang retirement benefits,” ayon kay Lacson, na nagdagdag pang mahalaga ang papel ni Bernardo upang maunawaan kung paano naitatag at lumaganap ang umano’y iligal na sistema sa Bulacan at maging sa iba pang lugar.
Baleros at ang nawawalang P450 Milyon
Nalantad naman sa publiko ang umano’y mga anomalya ni Engr. Isabelo Baleros matapos mabigo itong ipaliwanag kung bakit niya inilipat sa ibang tanggapan ng DPWH ang P450 milyong pondo para sa mga proyektong pang-imprastruktura sa Las Piñas.
Natuklasan ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos na hindi isinangguni ni Baleros ang paglilipat ng pondo sa alinmang sangay ng lokal na pamahalaan, kabilang na ang opisina ng alkalde, opisina ng kinatawan, city engineering office, at Sangguniang Panlungsod.
Ayon kay Santos, maaaring managot si Baleros sa iba’t ibang kasong administratibo at graft kung hindi niya maipapaliwanag kung saan napunta ang pondong inilipat mula sa district office patungo sa DPWH Regional Office–NCR noong Hulyo 2025.
Dahil dito, inilipat siya ni Bonoan sa DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office. Itinalaga naman si Engr. Ruel Umali bilang kapalit, ngunit hindi nakaupo matapos umamin na isa siyang “bata” ng isang mataas na politiko sa lungsod.
Show Cause Orders at “Cleansing”
Si Baleros ay kabilang din sa mga binigyan ni DPWH Secretary Vince Dizon ng show cause order kaugnay ng mga substandard projects sa Las Piñas sa nakalipas na tatlong taon at pagkasira diumano ng mga pampublikong dokumento.
Sinabi ni Dizon na maaaring sampahan ng kasong administratibo depende sa magiging resulta ng imbestigasyon, na bahagi ng mas malawak na “top-to-bottom cleansing” na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Inaatasan ng mga show cause order ang mga opisyal na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng limang araw kaugnay ng mga ulat na isinampa laban sa kanila. At pagkatapos, depende sa resulta ng imbestigasyon, isasampa ang nararapat na kasong administratibo laban sa kanila,” aniya.
Panawagan para panagutin si Villar
Dahil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga appointees ni Villar noong siya’y nanungkulan bilang DPWH Secretary, nanawagan si Rep. Santos na dapat na ring isalang ang senador sa imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure sa lalong madaling panahon.
“Kahit anong tahimik, pagtatago at pagpigil para hindi mabunyag ang mga anomalya, lalabas at lalabas ang katotohanan. At kapag nangyari iyon, walang makakapigil sa pananagutan,” giit ni Santos.
Dagdag pa ng mambabatas: “Panahon nang papanagutin si Villar at ang kanyang mga itinalagang opisyal—hindi lamang sa imbestigasyon kundi sa harap ng batas. Kung mapatunayang sila’y nagpasasa sa pondo ng bayan, dapat silang kasuhan, kondenahin, at tanggalan ng karapatang muling humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.” (ROSE NOVENARIO)