Sun. Mar 15th, 2026

📷: Nanumpa si Roberto Bernardo bilang Undersecretary ng DPWH noong 2016 kay noo’y Secretary Mark Villar at nagsilbing saksi si noo’y Manila Mayor Joseph Estrada.

 

Kinompirma ni Senate President pro-Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hawak na niya ang inisyal na salaysay ni resigned Department of Public Works and Highways (DPWH)  Roberto Bernardo hinggil sa nalalaman niya sa flood control projects.

Si Bernardo ang itinuro nina dating DPWH district engineers Henry Alcantara at Brice Hernandez bilang umano’y kanilang pinuno sa “sindikato” sa maanomalyang flood control projects at kausap ng mga “proponent” ng flood control projects.

Sinabi ni Lacson sa panayam sa programang Ted Failon at DJ Cha-cha sa Radyo Singko,  nakiusap si Bernardo na sa Huwebes, Setyembre 25 na lamang siya dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Paliwanag ni Lacson, minabuti niyang hindi magsabay sina Bernardo at Alcantara dahil sa pagiging malapit ng dalawa.

Tiniyak ni Bernardo kay Lacson na inihahanda na niya ang supplemental affidavit na isusumite sa komite bukas.

Matatandaan na sa panahon ni Joseph Estrada bilang alkalde ng Maynila ay itinalaga sa City Engineer’s Office si Bernardo, kung saan malapit siyang nakatrabaho ni Alcantara, na noo’y isang division chief.

Lalong tumibay ang kanilang ugnayan sa Maynila at nagpatuloy ito sa DPWH, kung saan kalaunan ay na-promote si Alcantara.

Noong 2017, sa ilalim ni dating DPWH Secretary Mark Villar, bumalik si Bernardo sa departamento bilang undersecretary for operations.

Ang kanyang posisyon ay nagbigay sa kanya ng malawak na impluwensya sa mga appointment ng mga inhinyero sa buong Luzon, maliban sa Rehiyon 1, 2, at Cordillera.

Nagkaroon ng direktang kapangyarihan si Bernardo sa pagtatalaga ng mga pinuno ng district at regional offices, mga posisyong mahalaga sa pag-apruba at pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastruktura.

Bilang undersecretary, may papel si Bernardo sa pag-angat ni Alcantara mula sa pagiging district engineer ng Bulacan patungong acting assistant regional director ng Region 4A sa ilalim ng pamumuno ni dating Secretary Manuel Bonoan.

Kasabay nito, itinalaga si Hernandez bilang officer-in-charge ng Bulacan First District Engineering Office kapalit ni Alcantara, na nagpanatili ng kontrol sa lalawigan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *