Apat na araw nang hindi nagpapakita sa publiko si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaya marami ang nagtatanong, “Nasaan ang Pangulo?”
Abala sa kanyang mga private meeting sa Palasyo si Marcos Jr. kaya hindi siya nakikita sa publiko mula noong Linggo, Setyembre 21, ayon kay Palace Press Office Claire Castro.
“Busy po ang Pangulo sa mga private meeting sa Palasyo at sa susunod po hanggang Sabado ay marami po siyang gagawin pong paglabas at magkakaroon po siya ng mga events. So, tingnan po natin ang kaniyang mga activities sa mga susunod pang mga araw,” tugon ni Castro sa tanong ng media sa kinaroroonan ni Marcos Jr. mula noong Linggo.
Itinanggi ni Castro na may “direct threat” sa kasalukuyan kay Marcos Jr., maliban sa mga nakalipas na pagbabanta ni Vice President Sara Duterte.
“Wala pong nararamdaman sa kasalukuyan na threat. Of course, maliban lang, sabi nga natin sa mga nakaraang threat ng Bise Presidente sa kaniyang buhay, sa ngayon po ay wala pong direct threat na nakikita at nararamdaman ang Pangulo at ang gobyerno at nagkataon lamang po siguro na wala pong activities,” paliwanag ni Castro.
Nangako siya na aabisuhan ang media kapag puwede na ulit sumama sa mga aktibidad ni Marcos Jr.
“Pero tingnan po natin, at bibigyan po namin ng media advisory kapag po maaari na po kayong sumama sa kaniyang mga activities,” dagdag niya.
Sa mga nakaraang administrasyon ay karaniwang nagpapapakita o nagbibigay agad ng pahayag ang pangulo kapag may kaguluhan sa paligid ng Palasyo, gaya nang sugurin ng Estrada loyalists ang Malakanyang noong 2001 mula sa ilang araw na kilos-protesta sa EDSA.
Nagdeklara ng state of rebellion sa bansa si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Mayo 1, 2001 sa buong Metro Manila sa bisa ng Proclamation No. 38, bunga ng EDSA III (o ang mga kaguluhan noong Mayo 1, 200, isang protesta ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Joseph Estrada at ng Iglesia ni Cristo (INC) matapos ang pag-aresto kay Estrada sa kasong plunder. (ROSE NOVENARIO)