Sun. Mar 15th, 2026

Hindi sumipot si Orly Regala Guteza, umano’y dating security consultant ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, sa kanyang nakatakdang pagharap ngayong umaga sa Department of Justice.

Sa kanyang pagdalo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing kahapon ay nanawagan si Guteza na mabigyan ng proteksyon bilang testigo.

Inihayag ng DOJ na sinisiyasat na rin ang reklamo ng isang abogado na peke at hindi siya ang nag-notaryo sa affidavit ni Guteza na binasa sa Senado.

Kaugnay nito, sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kailangang isailalim sa kumpletong record check at background investigation (RCBI) si Guteza dahil sa bigat ng kanyang naging testimonya sa komite.

Ipinunto ni Lacson na si Guteza ay iniharap sa komite nitong Huwebes nang walang abiso o paunang pabatid.

“Without the courtesy of notice even to the committee chairman, a totally surprise witness in yesterday’s Blue Ribbon hearing, a complete record check and background investigation on Orly Regala Guteza is in order owing to the gravity and seriousness of his testimony yesterday,” ani Lacson sa isang post sa X.

Iniharap ni Sen. Rodante Marcoleta si Guteza sa pagdinig nitong Huwebes at sinabi niyang ipinakilala ito sa kanya ni dating Anak Kalusugan Rep. Michael Defensor.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Guteza na nagdala siya ng mga maleta ng pera na tinawag umanong “basura” sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez. Itinanggi nina Romualdez at Co ang mga paratang. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *