Sun. Mar 15th, 2026

📷: Karapatan | FB

 

Lantarang pagpapakita ng pampulitikang oportunismo ang resolusyon ng Senadoo na humihiling ng house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ang resolusyon, anang Bayan, ay isang hindi makatarungang panghihimasok sa gawain ng International Criminal Court (ICC) at nagpapakita ng matinding pagwawalang-bahala sa patas na pagpapatupad ng hustisya.

Binigyang diin ng Bayan, ginagamit ng resolusyon ang “makataong” dahilan para sa hindi nagsisising si Duterte habang binabalewala ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings na patuloy na humihingi ng hustisya.

Para sa Bayan, ang mga senador na bumoto pabor sa resolusyon ay kasabwat sa malisyosong pagtatangka ng kampo ni Duterte na magpakalat ng disimpormasyon ukol sa kaso upang maantala at mawasak ang paglilitis sa ICC.

“Habang isinasagawa ang malawakang imbestigasyon sa katiwalian sa imprastruktura, marami sa mga ito ay nag-ugat pa sa panahon ng panunungkulan ni Duterte, ang mga senador na sangkot sa iskandalo at ang mga arkitekto ng karahasang Tokhang ay tusong ginagamit ang pagkakakulong ni Duterte sa ICC upang makuha ang simpatiya sa mga maka-Duterte,”  sabi ng Bayan sa isang kalatas.

“Malinaw ang kanilang layunin: guluhin ang opinyon ng publiko, patahimikin ang sigaw para sa katotohanan at hustisya, at takasan ang pananagutan,” dagdag ng grupo.

Ipinaalala ng Bayan sa sambayanan na ito rin ang parehong Senado na tumalikod sa panawagan ng taumbayan na panagutin si Vice President Sara Duterte sa maling paggamit ng confidential funds.

“Malamang na ituring ng ICC ang resolusyon ng Senado bilang malinaw na patunay ng patuloy na impluwensiya ng dating pangulo sa bansa, kung saan ang kanyang pamilya at mga tauhan ay nasa makapangyarihang posisyon sa pamahalaan. Kaya’t ang pagpayag na ilagay si Duterte sa house arrest ay tunay na banta sa mga biktima at saksi ng Tokhang at extrajudicial killings,” wika ng Bayan.

Itinuturing ng Bayan na ang paglaya ni Duterte mula sa kustodiya sa The Hague na isang nakababahalang mensahe na kahit ang mga inaakusahang may sala sa krimen laban sa sangkatauhan at iba pang mabibigat na krimen ay maaaring bigyan ng espesyal na trato ng hukuman.

“Ang house arrest ni Rodrigo Duterte ay magpapalakas sa makinarya ng panlilinlang at panunupil laban sa mga humihingi ng hustisya at pananagutan,” saad ng grupo.

“Ang mga pakana ng kampo ni Duterte at ng kanilang mga tagasuporta ay pinapalakas ng walang prinsipyo at makasariling tindig ng rehimen ni Marcos Jr na walang interes sa paghahanap ng hustisya at handang makipagkasundo sa mga tiwali at pasistang lider tulad ni Duterte upang patatagin ang marupok na pamumuno ni Marcos Jr at takasan ang pananagutan sa sarili nitong mga krimen laban sa sambayanang Pilipino,” dagdag ng Bayan.

Nanawagan ang BAYAN sa publiko na malawakang tutulan ang anomang hakbang na bigyan ng pribilehiyong house arrest ang malupit na mass murderer na si Rodrigo Duterte.

“Tungkulin nating manindigan para sa mga biktima ng extrajudicial killings.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *