Fri. Feb 13th, 2026

Inanunsyo ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) na muling ilulunsad ang malawakang protesta sa Nobyembre 30 sa Luneta Park at sa iba pang pangunahing lugar sa bansa, kasabay ng babala na hindi mapapawi ng ilang press release o pagbibitiw ng ilang opisyal ang galit ng publiko sa bilyon-bilyong pisong kontrobersya sa flood control at mga proyektong pang-imprastruktura.

Sinabi ng KBKK na ang tuluy-tuloy na pagkilos ng mamamayan ,mula sa unang “Baha sa Luneta” rally, Black Friday protests, student walkouts, noise barrages, hanggang sa mga sigaw sa UAAP games, ang siyang nagtulak sa Malacañang na magpakita ng “aksiyon” sa gitna ng tumitinding galit ng publiko.

Binanggit ng grupo na ang sunod-sunod na pagbibitiw o pagsibak ng mga opisyal gaya nina Executive Secretary Lucas Bersamin, Budget Secretary Amenah Pangandaman, PLLO Undersecretary Adrian Bersamin, at DepEd Undersecretary Trygve Olaivar ay hakbang lamang upang “patahimikin ang galit ng taumbayan” ngunit hindi sapat para sa tunay na pananagutan.

“Ginagamit silang pambala at panangga upang mailigtas ang mas malalaking isda sa itaas. Pero hindi ito sapat. Kailangang may makulong,” ayon sa KBKK.

Iginiit ng KBKK ang pangangailangan ng komprehensibo, independiyente, at publikong imbestigasyon sa lahat ng sangkot—mula sa mga opisyal ng DPWH, DBM at ICI, mga kontratista, district engineers, mambabatas, hanggang sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno.

Dagdag pa ng grupo, hindi lamang pagbibitiw ang kailangan kundi kasong kriminal at sibil, pagkumpiska sa nakaw na yaman, at pananagutin ang buong sindikato sa likod ng ghost projects, overpriced contracts, at pekeng infrastructure projects.

Kasabay nito, nanawagan ang KBKK ng malalim na reporma upang gawing bukas at sagutin ang pamahalaan, kabilang ang pagbuwag sa pork barrel, pagbabawal sa lump sum at iligal na insertions, real-time public disclosure ng lahat ng proyekto at kontrata, at pagpapalakas ng partisipasyon ng mamamayan sa badyet at proyekto.

Ang “Baha sa Luneta 2.0: Protestang Bayan Kontra Kurakot” ay nakatakdang ganapin sa Nobyembre 30, ganap na 9 a.m. sa Luneta, Maynila, kasabay ng mga kilos-protesta sa EDSA at iba pang lugar sa bansa.

Ayon sa KBKK, lahat ng sektor—manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal, tsuper, maralita, simbahan, artista, at negosyo—ay bibigyan ng pagkakataong ilahad ang kanilang panawagan.

“Ang baha ng galit ng taumbayan ay hindi mapipigilan ng ilang pagbibitiw o press release,” diin ng KBKK. “Hangga’t hindi lubos na naipapakita ang katotohanan, napapanagot ang lahat ng sangkot, at naisasagawa ang tunay na pagbabago sa sistema, tuloy-tuloy ang kilos-protesta.” (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *