ni Renato Reyes Jr. | Pangulo, Bagong Alyansang Makabayan
Binabasa ko ang sinasabing confidential letter ni Zaldy Co kay Bongbong Marcos. Kung authentic nga ang liham, maraming nakakabahalang practice o modus kaugnay ng mga budget allocations at insertions.
Ayon kay Co, ang Office of the President ay may P100 billion yearly allocation para sa mga proyekto nito, ang Senate ay may P150 billion at ang House ay doble nito o P300 billion. Bakit may P100 billion allocations ang OP na labas pa sa mismong budget nito? Ang P100 billion ay kadalasan daw ay pinapasok at hinahati sa programmed appropriations at sa unprogrammed appropriations. Pero sa 2025 budget ay ginawang programmed appropriations lahat? At sa Senate ay kalakhan ng allocations nito ay nilagay naman sa DPWH. Tapos P300 billion daw ang dapat na allocations ng House pero di dinetalye saan talaga ipinasok ito.
Hindi ba ang sinasabing allocations na ito ay walang iba kundi pork barrel funds na maaaring ilagay sa iba’t ibang proyekto batay sa rekomendasyon ng OP, Senate at House? Di ba dapat bawal na ito? Bakit magpapsok ang OP ng infra projects sa programmed at unprogrammed allocations na labas pa sa naisumite na nitong NEP? Gayundin naman sa Senado at House. Bakit entitled silang magpasok ng mga proyekto lagpas pa sa naisumite na sa NEP? At para maipasok daw ang mga infra projects sa programmed appropriations (mga items na may tiyak na funding), kailangan pa palang magbawas ng pondo sa ibang ahensya o kaya ay ilipat ito sa unprogrammed appropriations na wala pang tiyak na pondo. At ang nangyari ba sa 2025 budget kung kaya bumukol ang DPWH budget ay dahil masyado nang malaki ang nais ipasok sa ngalan ng “allocations” at entitlement? Lumalabas na hindi na umubra ang mga pinapasok dahil lahat sila ay nais ipasok ang mga proyekto sa programmed appropriations para sure na ang funding (and therefore pwede na mag advance ng SOP mula sa mga contractors).
Kung ganito nga ang ginawa sa 2023 to 2025 budget at ganito rin ang gagawin sa 2026 budget ay talagang walang katapusan ang korapsyon.
Una ay dapat walang allocations o “allocables” ang OP, Senado at House labas sa kanilang regular budget bilang institusyon. Wala dapat “allocations” at entitlements ang mga mambabatas para sa mga local pet projects nila dahil ito ang nagpapalobo ng budget at pinagmumulan ng corruption. Dahil kapag ang isang mambabatas ay proponent ng isang project, nagagawa niyang pakialaman ang bidding at humingi ng SOP mula sa mga contractors. Ito ang umiiral na sistema eh. Sa proposed 2026 budget ay tiyak natin na nananatili ang mga “allocables” at entitlements ng mga mambabatas. Pinayagan ito ni Marcos at hindi naman ito sinibak ng mga mambabatas kasi pabor sa kanila. Sobrang laki ng proposed budget dahil sa mga allocations na ito. Nasa P695 billion ang pork sa budget para sa 2026, kasama ang at least P174 billion infra pork sa mga DPWH district engineering offices.
Problema din dito ang naging paglobo ng unprogrammed appropriations dahil dito kinakarga ang iba pang proyektong hindi na nila maipasok sa regular budget. At presidente lang ang maaaring mag approve ng releases ng pondong ito. Malinaw na pork barrel din ito sa totoo lang.
At ano kaya itong sinasabi ni Co na ang confidential and intelligence funds ay corruption prone? Inaamin nya na ito ay may potential yield na “60% rebate”? Ano yun? Ang 60% ng CIF ay nauuwi sa bulsa? So bakit hindi pa binubuwag yan?
Kaya madiin tayo sa panawagan na buwagin ang lahat ng uri ng pork barrel. Buwagin ang congressional at presidential allocations, allocables, entitlements, CIF at kung ano pang tawag nila. Lawmakers should not be involved in identifying and proposing infrastructure projects because this has become a source of corruption. Kaya tayo naririto sa krisis na ito ngayon. Local projects should be proposed by the concerned local agencies and the local stakeholders based on actual needs, not on kickback quotas.
Sobrang bulok talaga ng sistema. Kailangang baguhin ito. Kita-kits sa November 30 sa Luneta.