Fri. Feb 13th, 2026

NAGDUDULOT ng matinding pagdududa sa kredibilidad at bisa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pag -imbestiga sa multi-bilyong pisong flood control scandal ang pagbibitiw ni Rogelio “Babes” Singson, ayon sa Makabayan Bloc.

Sa isang kalatas, kinuwestiyon ng Makabayan kung paano pa maaasahan ng publiko ang ICI kung mismong mga miyembro nito ay nagsisibitiw.

“Paano magiging credible ang imbestigasyon kung ang mga nasa investigative body ay sumusuko na?” tanong ng grupo.

Iginiit ng Makabayan na ang resignation ni Singson ay naglalantad sa “hungkag” na pahayag ng Malacañang na malapit nang matapos ang tinatawag nitong anti-corruption drive.

“Walang endgame kung ang mga dapat mag-imbestiga ay umaatras na,” dagdag ng grupo.

Ang pagbibitiw ni Singson ay naganap sa kritikal na panahon kung kailan inaasahang sisiyasatin ng ICI ang mabibigat na alegasyon ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co hinggil sa ₱56 bilyong sistematikong kickbacks, gayundin ang pag-amin ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na ₱8.2 bilyon ang naideliber bilang bahagi ng “standard operating procedure.”

Sa halip na ituloy ang mga imbestigasyong ito, binigyang-diin ng Makabayan na ang pamunuan ng komisyon ay nasa kaguluhan.

Nagpukol ng mga tanong ang grupo hinggil sa pagbibitiw ni Singson: nakaranas ba siya ng political interference, pinigilan ba siyang habulin ang mga “big fish,” o may internal na presyur sa loob ng ICI?

Dagdag pa ng Makabayan, ang timing ng pagbibitiw ni Singson, na kasabay ng maagang deklarasyon ng Presidential Communications Office hinggil sa “endgame” ay nagpapakita na ang kampanya laban sa korupsiyon ng administrasyon ay umabot na sa limitasyong pampulitika.

“Mukhang hanggang sa maliliit na players lang ang tatamaan ng imbestigasyon habang pinoprotektahan ang mga nasa kapangyarihan,” anila.

Nanawagan ang Makabayan ng ganap na transparency sa mga pangyayari sa likod ng pagbibitiw ni Singson, iginiit na ang publiko ay nararapat sa pananagutan.

The people deserve answers, not whitewashing. The people deserve justice, not political theater. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *