Fri. Feb 13th, 2026

📷: SUKI Network | FB

 

Ang gobyerno ang pangunahing tagapamagitan ng mga proyektong ginagawang gatasan ng malalaking negosyo, sigaw ng mga progresibong grupo sa inilunsad na Black Friday protest ngayong araw sa headquarters ng San Miguel Corporation sa Mandaluyong City.

Kabilang sa mga grupo na kumondena sa tumitinding sabwatan ng administrasyong Marcos Jr. at Ramon Ang, at iba pang oligarko ay ang SUKI Network, kasama ang Migrante Philippines at International, Para Commuters Network, PISTON, KADAMAY, PAMALAKAYA, Kilusang Mayo Uno, Makabayan Coalition, Kalikasan–People’s Network for the Environment, BAYAN, SANDIGAN, Concerned Seafarers, at ang bagong tatag na MALETA (network ng mga migranteng laban sa korupsiyon).

Nagsisilbi anilang tagapamagitan o middleman pa mismo ang gobyerno upang gawing gatasan ng malalaking negosyo ang mga proyekto ng pamahalaan.

Ang kilos-protesta ay bahagi ng Black Friday Protests na nagsisilbing paghahanda sa malakihang anti-corruption rallies sa darating na Nobyembre 30.

Ayon sa mga grupo, ang mga partnership ng gobyerno at SMC ay nagbubukas ng malayang paghahangad ng tubo na nag-aalis sa publiko ng abot-kayang serbisyo at nagbabanta sa kabuhayan, komunidad, at kalikasan.

Binanggit nila ang tumitinding kaso ng corporate capture sa “privatized and profit-driven infrastructure projects”—pinakamatingkad ang kontrobersyal na NAIA privatization deal, na kanilang inilarawan bilang paglilipat ng estratehikong pampublikong ari-arian sa pribadong monopolyo kapalit ng malaking gastos sa publiko.

Mga Epekto ng Proyekto ng SMC 

Ipinunto ng mga nagprotesta ang lumalawak na pinsalang dulot ng SMC, kabilang ang:

– Pagkakamit ng bilyon-bilyong kita mula sa Petron habang milyon-milyong transport workers, maliliit na prodyuser, at mamimili ay naghihirap sa mataas na presyo

– Pagpapahirap sa OFWs, migrante, at mga commuter sa pamamagitan ng NAIA privatization

– Paglala ng pagbaha dahil sa Skyway at Bulacan Airport projects

– Pagpapaalis sa mga mangingisda para sa Aerotropolis project

– Pagwasak sa mga bakawan at ekosistema para sa New Manila International Airport (NMIA)

– Pagbabanta ng demolisyon sa mga komunidad sa ilalim ng Pasig River Expressway (PAREX)

– Pagsasamantala upang monopolyo ang mga proyektong flood control na may bahid ng korupsiyon

Panawagan ng SUKI 

Ayon sa SUKI spokesperson na si Amihan Mabalay, hindi lamang si Ramon Ang ang nakikinabang sa sistemang ito.

“Bukod kay Ramon Ang, ang pinakamalalaking oligarko gaya nina Enrique Razon at Manuel Villar ay nagkamal ng yaman—umabot sa pinagsamang net worth na Php1.5 trilyon mula 2022 hanggang 2025—mula sa mga pribatisadong serbisyo publiko at utilities gaya ng tubig, kuryente, telekomunikasyon, at iba pang malalaking sektor gaya ng real estate, paliparan, at extractives.”

Dagdag pa ni Mabalay, malinaw na ginagamit ng gobyerno at malalaking negosyo ang burukrasya hindi lamang para sa korupsiyon kundi upang lalo pang payamanin ang mga super-yaman sa pamamagitan ng mga mga gawain sa pagkamal ng pera na pinapadali ng estado.

Nanawagan ang mga grupo ng buong pananagutan, wakasan ang kontrol ng mga oligarko sa mga pampublikong serbisyo at utilities, at kagyat na itigil ang mga mapanirang mega-projects na kontra sa interes ng mamamayan.  (RRN)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *