Mariing kinokondena ng Makabayan Bloc ang pattern ng administrasyong Marcos na gawing “escape hatch” ang pagbibitiw ng mga opisyal na sangkot sa korapsyon, mga opisyal na maaaring direktang mag-ugnay sa Pangulo mismo sa mga kickback at kuwestiyonableng transaksyon.
Malinaw na muli itong nasaksihan sa pagbibitiw ni Department of Justice Undersecretary Jojo Cadiz.
Ayon sa Makabayan, hindi ordinaryong kawani si Cadiz kundi dating staff sa Senado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., isang pinagkakatiwalaang kaalyado na ngayo’y inaakusahan bilang bagman sa mga kickback at may ugnayan sa mga kontraktor na may negosyo sa Hilaga.
Para sa Makabayan , ang kanyang lapit sa kapangyarihan at umano’y papel sa mga iskema ng korapsyon ay direktang nagtuturo sa Malacañang.
“His proximity to power and his alleged role in corruption schemes point directly to Malacañang,” anang mga progresibong kongresista.
Binigyan diin nila na ang pagbibitiw ay hindi solusyon—ito ay pagpapalusot lamang.
Lalo lamang pinagtitibay nito ang matagal ng hinala ng Makabayan na ang korapsyon sa administrasyong ito ay umaabot hanggang sa itaas, na sangkot ang inner circle ng Pangulo at posibleng ang Pangulo mismo.
“We reject this administration’s strategy of damage control through resignation,” deklarasyon ng Makabayan.
Dapat anilang harapin nina Cadiz, kasama ang iba pang opisyal gaya nina Executive Secretary Bersamin, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at DepEd Usec. Trygve Olaivar, ang masusing imbestigasyon.
Ang kanilang koneksyon anila sa mga kontraktor, papel sa mga kuwestiyonableng transaksyon, at higit sa lahat, ang kanilang ugnayan kay Pangulong Marcos Jr. ay dapat lubusang siyasatin.
“Hindi puwedeng maghugas-kamay si Marcos habang ang kanyang mga tauhan ay isa-isang umaalis dahil sa korapsyon. Malinaw ang pattern: kapag nagiging liability ang mga opisyal, pinapabitiw sila bago pa makapagsalita at mailantad ang pagkakasangkot ng Pangulo. Hindi ito pananagutan—ito ay cover-up,” wika ng Makabayan.
Nanawagan ang mga progresibong kongresista ng agarang imbestigasyon sa lahat ng miyembro ng Gabinete na sangkot sa flood control scandal—mula kina Bersamin, Pangandaman, Bonoan, hanggang kay Cadiz at iba pang pinangalanan.
Ang kabiguan na gawin ito ay nangangahulugan na ang Malacañang ay sangkot anila sa cover-up at selective prosecution, hindi tunay na transparency at accountability.
“Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa malinaw na sagot, hindi sa maginhawang pagbibitiw. Hindi maaaring patuloy na magtago ang administrasyong Marcos sa likod ng resignations habang umaalingasaw ang baho ng korapsyon mula mismo sa sentro ng kapangyarihan.” (ROSE NOVENARIO)