Hinimok ng Makabayan bloc ang Quad Committee at ang Committee on Good Government and Public Accountability na ipagpatuloy ang imbestigasyon matapos ang pagsisiwalat ni Ramil Lagunoy Madriaga na nag-uugnay kay Vice President Sara Duterte sa umano’y mga ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng confidential funds, POGO operators, at drug syndicates.
Ayon sa Makabayan bloc na binubuo nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Party-list Rep. Atty. Renee Louise Co, ang mga rebelasyong nakapaloob sa affidavit ni Madriagaay hindi basta-basta mga akusasyong pampulitika, kundi mga detalyadong alegasyon na naglalarawan ng sistematikong katiwalian.
Kabilang sa kanyang mga pahayag ang umano’y support operations ng Oplan Double Barrel pagdadala ng confidential funds na pinangungunahan nina Col. Raymund Dante Lachica at Col. Dennis Nolasco, POGO funding para sa kampanya ni VP Sara, at paggamit ng magnetic lifters sa pagpasok ng droga sa bansa.
Ipinahayag ni Madriaga na nagsilbi siyang bagman para sa Bise Presidente, nagdadala ng mga bag at sasakyan na puno ng milyon-milyong piso sa iba’t ibang lugar gaya ng isang comedy bar sa Timog, parking compound ng Ombudsman, at SM Megamall kung saan umano’y naghatid siya ng humigit-kumulang P80 milyon sa pamamagitan ng lihim na drop-off method.
Pinakamatindi sa kanyang mga alegasyon ang umano’y pagpopondo ng ISIP Pilipinas at iba pang Duterte campaign support groups mula sa POGO operators at drug dealers, na naganap sa mga lugar tulad ng The Gate sa Pampanga, Vertis North Mall, Seda Hotel sa Quezon City, at Grand Hyatt sa BGC.
Direktang nasasangkot sa mga alegasyon ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), na itinatag ni Madriaga at kanyang pinagsilbihan mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2023 sa ilalim nina Col. Nolasco at Col. Lachica.
“The involvement of military officers in what appears to be a money laundering and campaign finance operation raises serious questions about the misuse of security personnel and resources,” anang Makabayan bloc.
Dagdag pa ng grupo, ang lawak ng mga alegasyon ay nangangailangan ng masusing imbestigasyon ng Kongreso na may kapangyarihang magpatawag ng testimonya, magsuri ng mga dokumento, at subaybayan ang daloy ng pondo.
Kung mapapatunayan anila ang mga pahayag ni Madriaga, lalong nagiging mahalaga ang usapin ng impeachment, mula sa kasalukuyang motion for reconsideration sa Korte Suprema hanggang sa posibilidad ng muling paghahain ng impeachment cases.
Iginiit ng Makabayan bloc na karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan. “Hindi ito partisan politics—ito ay tungkol sa accountability at sa karapatan ng mamamayan na malaman ang buong katotohanan,” anang grupo.
Anila, dapat agarang iprayoridad ng liderato ng Kamara ang imbestigasyon bilang bahagi ng tungkulin nitong magpanagot sa pamahalaan.
“The Quad Committee must resume its work immediately, and all those named in Madriaga’s affidavit must be given the opportunity to answer these serious allegations under oath,” wika ng mga progresibong mambabatas.
“The Filipino people will not accept anything less than a full, transparent, and thorough investigation into these grave allegations,” pagtatapos nila. (ROSE NOVENARIO)