Sat. Mar 14th, 2026

Naniniwala si Senador Francis “Chiz” Escudero na dapat ma-exempt ang bentahan ng kuryente sa 12 porsiyentong value-added tax (VAT), kaya’t sa ilalim ng kanyang panukalang batas ay nakasaad ang layuning magbigay ng agarang ginhawa sa mga kabahayan at industriya nang hindi sinasakripisyo ang katatagan ng pananalapi ng pamahalaan.

Binanggit ni Escudero ang pahayag ni Executive Secretary Ralph Recto na nagbabala laban sa pagbawas ng expanded VAT sa 10 porsiyento dahil sa P1.6 trilyong utang ng gobyerno.

Nilinaw ng senador na iba ang kanyang panukala dahil nakatuon lamang ito sa sektor ng kuryente, kung saan pinakamalaking pangangailangan ng ginhawa.

“Habang ang malawakang pagbawas ng buwis ay maaaring makapinsala sa kita ng gobyerno, ang pagtanggal ng VAT sa kuryente ay responsableng hakbang. Nagbibigay ito ng balanse sa katarungang panlipunan at pangangailangang pang-ekonomiya,” ani Escudero.

Itinulak ng senador ang agarang pagtalakay sa Senate Bill No. 496, na nakabinbin sa mga komite ng Ways and Means at Energy mula pa noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng panukala, exempt sa VAT ang bentahan ng kuryente ng generation, transmission, at distribution companies, gayundin ng mga electric cooperative at franchise grantees ng electric utilities.

Ayon kay Escudero, nananatiling isa sa pinakamataas sa Asya ang presyo ng kuryente sa Pilipinas, na nagpapataas sa halaga ng mga produkto at serbisyo. “Ang bawat pisong natitipid sa bayarin sa kuryente ay katumbas ng mas abot-kayang bilihin at mas matatag na kumpetisyon,” dagdag niya.

Nilinaw pa ng senador mula Sorsogon na ang kanyang panukala ay hindi katulad ng panawagang ibalik sa 10 porsiyento ang EVAT. “Ang aking panukala ay tiyak at nakatutok, hindi malawakang bawas. Tinutugunan nito ang isa sa pinakamabigat na pasanin ng ekonomiya habang iginagalang ang realidad ng pananalapi,” aniya.

Kung tutuusin ay hindi na bago ang SB 496 ni Escudero dahil matagal na at paulit-ulit na inihahain ng Makabayan Bloc sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang 12% VAT sa kuryente.

Itinuturing ng Makabayan Bloc ang VAT sa kuryente bilang isang regresibong buwis na laban sa mahihirap, na lalo pang nagpapabigat sa pasaning pinansyal ng mga pamilyang Pilipino. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *