Umalma si Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima sa paghahambing ni Senate President Vicente “Tito” Sotto sa kanyang hindi pagdalo noon sa Senado, gayundin ni dating Sen. Antonio Trillanes IV, sa kasalukuyang sitwasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Giit ni De Lima, ang kanyang hindi pagdalo ay sapilitan at dulot ng pagkakakulong.
“With due respect, SP Sotto should not compare me or Sen. Trillanes with Sen. Bato’s situation. Our non-attendance in Senate sessions during our incumbency was involuntary. I could not be physically present in the Senate because I was in detention to face the fabricated charges filed against me then by the Duterte administration. On the other hand, Sen. Bato is running away from possible arrest by the ICC,” ani De Lima.
Binigyang-diin ng dating senadora na kahit nakakulong, ipinagpatuloy niya ang kanyang tungkulin sa lehislatura sa pamamagitan ng pagsusumite ng maraming panukalang batas, ilan sa mga ito ay naging ganap na batas.
“Kahit nakakulong ako noon at kahit mahirap dahil wala akong kahit anumang gadget, nagtatrabaho po ako bilang Senador sa pagpa-file ko ng maraming bills na ilan sa kanila ay naging batas,” dagdag niya.
Ipinahayag din ni De Lima na humiling siya ng pahintulot na makadalo sa mga sesyon ng Senado online noong panahon ng pandemya, ngunit hindi siya pinayagan ng mayorya.
“Nakiusap pa nga ako na mag-participate sa online sessions and hearings ng Senate during pandemic dahil ginagawa naman na yun, pero hindi napagbigyan ng mayorya ng Senado,” aniya.
Giit niya, ang kanyang produktibidad sa lehislatura at ang patuloy na kagustuhang makilahok sa plenaryo at mga komite, sa kabila ng pagkakakulong, ay malinaw na patunay ng kanyang hangaring maglingkod.
“These matters of productivity in legislative output and the constant eagerness to join plenary sessions and committee hearings despite my unjust detention are clear evidence of work and intent to work. Wag nyo naman po kaming gamiting excuse sa hindi pagdisiplina sa isang delinkwenteng senador,” diin ni De Lima. (RRN)