Maaaring gustong maging counterpart sa Senado ni Cavite Rep. Kiko Barzaga si Sen. Imee Marcos kaya nagpapakawala ng mga akusasyon laban sa Senado at administrasyong Marcos Jr.
Ito ang pahayag ni Senate President Pro Tempore at Bluer Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson kasunod ng aniya’y mga sinasabi ni Marcos na “walang kawawaan.”
Si Barzaga ay naging pamoso sa pagsasabi ng “meow meow” at nagpupukol ng maaanghang na pagbatikos sa gobyernong Marcos Jr. at kanyang mga kapwa kongresista kahit walang ipinakitang ebidensya.
Diretsahang tinukoy ni Lacson ang P2.5 bilyong halaga ng allocables na inuugnay kay Marcos sa 2025 National Expenditure Program (NEP) ngunit binatikos ng senadora ang “giniling o pork” sa 2026 national budget.
“Meron siyang allocable doon na P2.5 billion sa NEP sa Cabral files. Meron din siyang napasama kasi burado ang allocables sa NEP pero pagdating sa insertion, paglabas sa bicam at ito ang na-enrolled bill, ang iba na-FLR. Pero si Sen. Imee, meron din doon… At ang FLR niya may na-release doon,” aniya sa panayam sa DZBB radio.
“Siya ang nag-iingay na tahasang kini-criticize niya ano ang budget ng 2026, ang napirmahan, sinabi niya may tadtad ng pork, may giniling, may tinadtad pero pork pa rin. Kung ganyan ang definition niya ng pork, siya ang may pork. So wala siyang moral ascendancy para i-criticize. Unang una, member siya ng bicam. Bakit di siya nag-raise ng issue, nang nasa bicam siya, tadtad ng pork ito? Wala tayong narinig sa kanya pero nandoon siya sa bicam,” dagdag niya.
Binigyan diin ni Lacson na habang nagreklamo si Marcos sa ratipikadong bersyon ng 2026 budget bill dahil sa pagtaas ng pondo para sa mga assistance program na tinawag niyang soft pork — kabilang ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) — ay may pork naman siya sa 2025 GAA, at personal na dumalo sa pagbigay ng ayuda noong nakaraang taon.
“Siya nga ang hilig mag-attend doon tapos sasabihin niyang may tinadtad may giniling na pork? Alam mo, pag wala kang moral ascendancy wag ka nang magsalita wag kang pumuna kasi babalik sa iyo yun. May sinasabing pag nasa glass house ka wag kang mambato,” aniya.
Pinabulaanan ni Lacson ang pahayag ni Marcos na pinagbawalan umano niya ang mga miyembro ng Bue Ribbon Committee na iugnay ang ilang personalidad gaya ni dating Speaker Martin Romualdez sa anomalya sa flood control kahit iginiit na hindi naman dumalo ang senadora sa mga pagdinig na kanyang pinangunahan.
Sinagot din niya ang paratang ni Marcos na “nililimitahan” niya sa 10 minuto ang pagtatanong ng mga senador, na aniya’y kinakailangan upang mabigyan ng pagkakataon ang bawat senador na makapagtanong.
“Unang una paano niyang masasabing pinagbawalan, hindi naman siya nag-a-attend ng hearing?” ani Lacson.
“Meron akong nasabi ko na ito, the best response to nonsense is silence. Pero pagka nagiinsulto na, hindi mo na rin pwedeng i-disregard. Iniinsulto niya ang Blue Ribbon Committee, ina-undermine niya ang integridad ng committee na member din naman siya doon. Bakit di siya mag-attend at tanungin niya?” dagdag niya. (RRN)