Sat. Mar 14th, 2026

Inihayag ng National Unity Party (NUP) na magsasampa ito ng kaso laban sa dating miyembro at Dasmariñas Rep. Kiko Barzaga kaugnay ng alegasyon na tumanggap ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon ang ilang mambabatas na miyembro ng kanilang partido.

Tinuligsa ni NUP chairman at House Deputy Speaker Ronaldo “Ronnie” Puno ang tinanggal na post ni Barzaga sa social media bilang mali, pabaya, at malisyoso.

Ayon sa naturang post, nakatanggap umano ng suhol ang mga mambabatas ng NUP sa mga pagtitipon sa Solaire Hotel bago ang 2025 elections kapalit ng pagsuporta kay House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ni Puno na walang saysay ang paratang dahil tumakbo si Romualdez nang walang kalaban.

Dagdag pa niya, hindi makatarungan ang mga pahayag ni Barzaga na nakasisira sa reputasyon ng partido, lalo’t minsang pinamunuan ng yumaong ama ni Barzaga, dating mambabatas Elpidio Barzaga, na isa sa mga nagtatag ng partido.

Binigyan diin ni Puno, siya mismo ang magsasampa ng kaso laban kay Barzaga, at inaasahan ding maghahain ng kani-kaniyang kaso ang iba pang miyembro ng NUP.

Kaugnay nito, iginiit ni Barzaga na may batayan ang kanyang mga paratang at nakatakda siyang magharap ng ebidensya sa kanyang pagbabalik sa Kongreso.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *