Sat. Mar 14th, 2026

Bukod sa hirit na palawigin ang ipinataw na suspension ng House Committee on Ethics and Privileges ,posibleng maghain ng dagdag na kaso ang National Unity Party para mapatalsik na sa Mababang Kapulungan si Cavite Rep. Kiko Barzaga, ayon kay Deputy Speaker at NUP Chairman Antipolo City 1st District Rep. Ronaldo Puno.

Inihayag ito ni Puno bilang tugon sa alegasyon ni Barzaga na tumanggap ng suhol ang mga miyembro ng NUP mula sa negosyanteng si Enrque Razon para suportahan ang speakership bid ni Leyte Rep. Martin Romualdez.

Binigyan diin ni Puno na imposible ang paratang ni Barzaga dahil wala naman katunggali si Romualdez sa pagka-Speaker sa panahon ng pagtitipon ng NUP na tinukoy ng Cavite solon.

“Malamang dahil sa mga bagong ginawa niya, mag-file kami ng kaso for further suspension if not  expulsion kasi medyo sumosobra na, parang minamaliit na yung Kongreso , binabalewala niya, pinagtatawanan lang niya yung mga desisyon ng Kongreso na nagdidisiplina ng mga members naming,” ani Puno sa panayam sa DZMM.

Bago aniya matapos ang suspension ni Barzaga at bumalik sa Kongreso ay dapat isailalim sa pagsusuri ng “Congress appointed psychiatrist” si Barzaga upang mabatid kung nasa tamang pag-iisip siya para malaman kung angkop siyang magsilbi bilang mambabatas.

“Sa tingin ko hindi na siya bagay sa House anymore. Malungkot kasi kapartido namin yan, kaibigan namin yung tatay nya pero hindi na puwede yan,” wika ni Puno.

Bubuwagin din aniya ng NUP ang kanilang Dasmarinas chapter na pinamumunuan ni Barzaga dahil hindi naman na siya miyembro ng partido. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *