Sun. Jan 18th, 2026

Mariing kinondena ng Makabayan bloc ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malapit nang matapos ang trabaho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), sa kabila ng kawalan nito ng quorum at halos walang konkretong resulta mula sa operasyon.

Ayon sa pahayag ng Makabayan,“Mula sa simula, palabas lang ang ICI. Hanggang sa dulo, palabas pa rin.”

Giit nila hindi kailanman nilayon ng komisyon na tunay na imbestigahan ang malawakang korupsyon sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Sa halip, ito umano’y idinisenyo upang lumikha ng ilusyon ng pananagutan habang pinoprotektahan ang mga tunay na responsable sa paglustay ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.

Mga Katotohanan

– Dalawa sa tatlong komisyoner ng ICI ang nagbitiw, dahilan upang hindi na ito makapagpatuloy bilang isang collegial body

– Sa kabila nito, iginiit ni Pangulong Marcos na natapos na ng komisyon ang imbestigasyon at nagtatali na lamang ng mga “loose ends.”

– Tinawag itong insulto sa katalinuhan ng sambayanang Pilipino: “How can a commission that cannot even convene claim to have finished investigating the systemic corruption in flood control and infrastructure projects?”

Binanggit ng ICI ang tatlong kasong naisampa, 16 na inaresto, at P20 bilyon na na-freeze na assets. Ngunit ayon sa mga Makabayan bloc, ito’y “token achievements meant to justify the commission’s existence, not genuine victories against corruption.”

Binigyan diin ng Makabayan bloc, malayo ito sa daan-daang bilyong piso na nawala sa korupsyon sa ilalim ng magkakasunod na administrasyon.

Dagdag pa sa pahayag: “Ang totoo dito: ayaw talagang imbestigahan ng administrasyong ito ang tunay na mga pasimuno ng korupsyon sa infrastructure, Marcos included.”

Giit nila, nilikha ang ICI upang maibaling ang galit ng publiko, hindi upang magsagawa ng tunay na pananagutan.

Ngayon, matapos magampanan ang papel bilang “public relations exercise,” handa na umano ang administrasyon na isara ito nang hindi nagtalaga ng bagong mga komisyoner o pinalakas ang mandato.

Nanindigan ang mga progresibong kongresista na karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa mas higit pa sa ganitong palabas. “Mula simula hanggang wakas, puro palabas lang ang ICI—at kasabwat sa palabas na ito ang administrasyong Marcos.” (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *