Fri. Aug 7th, 2026

Iniutos ng Sandiganbayan Special Third Division ang pansamantalang pagbilanggo kay dating Sen. Ramon Bong Revilla. Jr. sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Barangay Payatas.

Ang desisyon ng anti-graft court ay bunsod ng kasong malversation na isinampa ng Ombudsman laban kay Revilla at anim pang iba kaugnay sa P92.8-milyon ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Binigyan katwiran ni Sandiganbayan Special Third Division chairperson and Associate Justice Karl Miranda ang kanyang pasya dahil sa liham ni Philippine National Police (PNP) acting chief Jose Nartatez Jr. na humiling na huwag ipakulong si Revilla sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

Naghain ng motion ang kampo ni Revilla na humihirit na idetine siya sa PNP Custodial Center at diringgin ito ng anti graft court sa Biyernes, Enero 23.

Naglagak si Revilla ng P90,000 para sa kasong graft kaugnay pa rin sa P92-M ghost flood control project.

Sumuko si Revilla sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Camp Crame alas-9 ng gabi ng Lunes matapos ilabas ng Sandiganbayan Third Division warrant of arrest at hold departure laban sa dating senador at anim pang akusado.

Sa isang video message habang patungong Camp Crame sinabi ni Revilla, “Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero ganun pa man, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala akong kasalanan dito.

Tiniyak ni DILG Secretary na walang special treatment na ibibigay kay Revilla.

Matatandaan unang nabilanggo si Revilla noong 2014 at napawalang sala sa kasong plunder hinggil sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam ngunit ipinababalik sa kanya ng anti-graft court ang P124.5 milyon ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa niya naisasauli sa kaban ng bayan. (RRN)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *