Nananatiling malaganap ang katiwalian sa pamahalaan, isang mapait na reyalidad na tila hindi nagbago mula 25 taon nang patalsikin si dating Pangulong Joseph Estrada ng EDSA Dos noong Enero 20, 2001, ayon sa Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance – TAMA NA.
Noong Enero 2001, daanlibong Pilipino ang nagtipon sa EDSA Shrine upang iprotesta ang lantaran at sistematikong pagtatakip sa pandarambong ni Estrada sa impeachment trial.
Ang EDSA Dos ay naging simbolo ng kapangyarihan ng mamamayan laban sa korapsyon. Subalit, makalipas ang dalawampu’t limang taon, iginiit ng TAMA NA na nananatiling buhay ang parehong suliranin.
Ayon sa alyansa, malinaw na patunay ang mga anomalya sa confidential at intelligence funds ni Vice President Sara Duterte at ang budget na pirmado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na puno ng iregularidad.
Dagdag pa rito, ang malalaking mobilisasyon noong 2025 ay nagpapakita ng malawak na galit ng taumbayan sa patuloy na pandarambong.
“Bagong taon, pero lumang sistema pa rin ng kurapsyon ang nangingibabaw,” pahayag ng TAMA NA.
Binanggit din ng grupo ang mahalagang papel ng sektor ng edukasyon, partikular ang mga guro at mag-aaral, sa muling pagbuhay ng diwa ng EDSA Dos at sa pagpapalakas ng kampanya laban sa katiwalian ngayong 2026.
Sa kabila ng paulit-ulit na panawagan, iginiit ng alyansa na tila bingi ang pamahalaan sa hinaing ng sambayanan.
Gayunpaman, tiniyak ng TAMA NA na patuloy nilang sasamahan ang masa sa mga paaralan, pabrika, pamayanan, at lansangan upang ipaglaban ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal.
Panawagan ng alyansa ngayong 2026, “Lahat ng sangkot, dapat managot!Ikulong na ‘yan, mga kurakot!” (ROSE NOVENARIO)