: Bayan | FB
Nakatakdang maghain ang iba’t ibang organisasyon na pinangungunahan ni Renato Reyes Jr., pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ng isang verified impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bukas, Enero 22, alas-10 ng umaga sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Reyes, ang reklamo ay nakabatay sa umano’y sistematiko at malakihang pandarambong ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng mga “alokasyon” ng Pangulo at Kongreso para sa mga proyektong paborito sa pambansang badyet.
Binanggit din ang umano’y labis na pang-aabuso sa unprogrammed appropriations upang pondohan ang mga kuwestiyonableng proyekto, gayundin ang sistema ng mga kickback, SOP at “commitments” na dumadaan sa matataas na opisyal ng administrasyon.
“Lahat ng sangkot ay dapat managot, simula sa tuktok,” ani Reyes sa kanyang pahayag.
Ang mga complainant ay binubuo ng mga taxpayer, manggagawa, magsasaka, estudyante, guro, maralitang lungsod, mga propesyonal at mga anti-corruption advocate. Ang tatlong kinatawan ng Makabayan bloc sa Kongreso ang nagsilbing endorser ng reklamo.
Inaasahan ng mga grupo na ang verified complaint ay agad na maisusumite sa Speaker at maisasama sa order of business, sa halip na mapalitan ng tinutukoy nilang “mahina” at unang reklamo na maaaring magsilbing panangga sa Pangulo.
Kung tatanggapin, ito ay magiging malaking hamon sa administrasyon na nahaharap sa mga paratang ng sistematikong maling paggamit ng pondo ng bayan at panawagan ng pananagutan mula sa pinakamataas na antas ng pamahalaan. (ROSE NOVENARIO)