Kinondena ng Makabayan bloc ang sulat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), na kanilang tinawag na “aroganteng palabas” at patunay ng kawalan ng malasakit sa libu-libong biktima ng madugong digmaan kontra droga.
Ayon sa mga progresibong mambabatas, ang liham ni Duterte ay “purong teatro”—bahagyang palaban, bahagyang paawa, ngunit lubos na walang pagsisisi.
Binanggit nila na habang ipinagmamalaki ni Duterte ang kanyang “legacy,” libu-libong pamilya ang patuloy na nagluluksa sa mga pinaslang sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Tinuligsa rin ng Makabayan ang pagtanggi ni Duterte na dumalo sa confirmation of charges hearing, na tinawag nilang “karuwagan na binalot sa prinsipyo.”
Giit nila, ang sistematikong patakaran ng extrajudicial killings ng kanyang administrasyon ang nagdala sa kanya sa harap ng ICC.
Dagdag pa ng grupo, nakayayamot na inilalarawan ni Duterte ang sarili bilang biktima, gayong siya mismo ang namuno sa rehimen na “dinukot” ang karapatan ng libu-libong Pilipino sa buhay, hustisya, at due process.
“Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa hustisya at pagkilala sa kanilang sakit. Walang halong drama o apela sa nasyonalismo ang makakapagpawi sa dugong nasa kamay ni Duterte,” ayon sa Makabayan. (ROSE NOVENARIO)