Sat. Mar 14th, 2026

Naniniwala ang ilang kongresista na ang testimonya ng umano’y bagman na si Ramil Madriaga ang “smoking gun” o matibay na ebidensya sa apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na ipinasa na sa House Committee on Justice.

Ayon kay Deputy Minority Leader Leila de Lima, posibleng magsimula na ang komite sa susunod na linggo sa pagtalakay ng sufficiency in form and substance.

Ipinahayag naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega na mainam ang referral sa komite upang maiwasan ang “fast track” route na dati nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.

Si Ortega, na nag-endorso ng ika-apat na complaint, ay sumuporta sa panawagan na ipatawag ang bank records ni Duterte at ng kanyang pamilya, binigyang-diin ang testimonya ni Madriaga bilang kritikal na ebidensya.

“May smoking gun… sobrang importante po ‘yun na mausisa,” ani Ortega.

Kumpiyansa rin si Ortega na makakakuha ng suporta mula sa hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara upang maakyat ang kaso sa Senado.

Samantala, ibinasura ng mga tagasuporta ng complaint ang anunsyo ni Duterte na tatakbo siya sa pagka-Presidente sa 2028, iginiit na dapat muna niyang harapin ang mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo.

“She wants to be President, so kung mataas ang tatakbuhin mong position, you are held to a higher standard,” dagdag ni Ortega.  (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *