Fri. Mar 13th, 2026

📷: Kodao Productions

 

Mariing kinondena ng mga progresibong mambabatas mula sa Makabayan bloc ang tinaguriang “pinakamalaking oil price shock mula 1998,” na kanilang ibinintang sa kabiguan ng Oil Deregulation Law, kasakiman ng kartel, at kawalan ng agarang tugon ng administrasyong Marcos Jr.

Sa isang pahayag, sinabi nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Rep. Renee Louise Co na sinasamantala ng mga kompanya ng langis ang krisis sa Iran at West Asia upang manipulahin ang presyo ng produktong petrolyo at humakot ng  “supertubo” habang patuloy na naghihirap ang mamamayan.

Umabot sa ₱38.50 kada litro ang pinakamataas na dagdag-presyo ngayong linggo. Tumaas ang diesel ng ₱17.50 hanggang ₱24.25 kada litro, gasolina ng ₱7 hanggang ₱13 kada litro, at kerosene ng ₱32 hanggang ₱38.50 kada litro. Ayon sa mga mambabatas, ang “staggered” na dagdag-presyo na ipinatupad sa loob ng tatlong araw ay panlilinlang lamang.

Binatikos nila ang administrasyong Marcos Jr. sa umano’y kawalan ng mabilis at matibay na aksyon.

Anila, hungkag ang mga show-cause order at pagbabanta laban sa “profiteering” dahil mismong deregulasyon ang nagbibigay-laya sa mga kompanya na ipasa ang lahat ng dagdag-gastos sa publiko.

“Hindi makatwirang magbanta sa ilang gasolinahan habang pinananatili ang mismong batas na nagluluwag sa kartel at nagkakadena sa mamamayan,” ayon sa pahayag.

Tinuligsa rin ng Makabayan bloc ang panawagan ng pamahalaan na magtipid ang publiko, iginiit na milyon-milyon na ang napipilitang magtiis ng gutom, mahahabang biyahe, at imposibleng badyet.

Ang diskusyon anila sa emergency powers ay pantakip lamang sa kakulangan ng plano at sa pagtanggi ng gobyerno na harapin ang kartel at ang bigong balangkas ng deregulasyon.

Kabilang sa kanilang panukala ang agarang pagtanggal ng excise tax at VAT sa produktong petrolyo, pagbabasura sa Oil Deregulation Law, pagtataas ng sahod, at pananagutin ang mga tiwaling opisyal at profiteers.

Tinukoy rin nila ang pambobomba ng U.S. at Israel sa West Asia bilang ugat ng kaguluhan at pagtaas ng presyo.

Inanunsyo ng Makabayan bloc ang isang malaking protesta sa Mendiola sa Marso 27 upang singilin ang administrasyong Marcos Jr. sa lumalalang kahirapan at krisis pang-ekonomiya.

“Singilin ang rehimen sa pananagutan at ipaglaban ang agarang ginhawa at pangmatagalang solusyon,” pagtatapos ng pahayag. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *